One Meralco Foundation Naghatid ng Tulong at Liwanag sa Maraming Komunidad sa Bansa

Pinagunahan ni OMF President Jeffrey O. Tarayao  kasama si Meralco Assistant Vice President Head of Home and Microbiz- North Business Area Alleni O. Pascual ang turnover ceremony para sa pagpapailaw ng 300 kabahayan sa  Barangay Bulilan Norte, Pila, Laguna.  

Sa loob ng maraming taon, maraming pamilya sa liblib na komunidad ang natutong mamuhay na walang maayos na serbisyo ng kuryente bagay na nilalayong solusyunan ng One Meralco Foundation (OMF).

Dahil sa mga programa ng OMF, ang corporate social responsibility unit ng Meralco na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan, naging mas maliwanag ang mga silid-aralan, naging mas ligtas ang mga komunidad, umunlad ang maliliit na negosyo, at nagbukas ng mga oportunidad para sa mga residente.

Nagkaroon na rin ng pagkakataon ang mga kabataan na makapag-aral kahit gabi, mas maayos na nagagamot ang mga pasyente sa mga health center, at nanumbalik uli ang pag-asa ng mga residente na may naghihintay na magandang kinabukasan para sa kanila.

Patuloy na nagpupunta sa mga pinakamalalayong bahagi ng Pilipinas ang OMF para makapaghatid ng liwanag sa mga nangangailangan.

“Patuloy naming isinasabuhay ang aming misyon na magpatupad ng mga programa na makakapagpaunlad sa mga komunidad sa pamamagitan ng electrification, environmental stewardship, disaster response at iba pa.  Sa pagbibigay ng liwanag sa pinakamalalayong sulok ng ating bansa at pagtulong sa ating mga kababayan, sinisikap namin na tuparin ang aming pangako na magiging kasama natin ang lahat,” ani Jeffrey O. Tarayao, Pangulo ng One Meralco Foundation at Chief Corporate Social Responsibility Officer ng Meralco.

Liwanag sa mga kabahayan

Nakasentro ang misyon ng OMF sa electrification program nito  na naglalayong maghatid ng ligtas at maaasahang kuryente sa mga komunidad na kulang o walang sapat na suplay ng kuryente. Sa unang bahagi pa lamang ng 2026, napailawan na ng OMF ang mga tahanan, paaralan, health center at iba pang pasilidad na nakatulong sa mahigit 3,600 indibidwal. Higit pa sa pagbibigay ilaw sa mga tahanan, nagbukas ang mga inisyatibong ito ng mga oportunidad para mapahusay ang edukasyon,  pag-usbong ng maliliit na negosyo,magamot ang may mga sakit at mapagaan ang buhay ng mga Pilipino.

Sa pamamagitan ng Household Electrification Program, nabigyan ng Meralco at OMF ang mahigit 400 kabahayan kasama na ang isang isla sa Hagonoy, Bulacan at mga kabahayan sa Pila, Laguna.

Binubuo ang Isla Pugad ng mga residente, mangingisda, tindero sa palengke, construction worker, at fishery watchers. Dahil sa limitadong kakayahang pinansyal, napilitan silang umasa sa kanilang mga kapitbahay para makakonekta sa kuryente. Sa kabila ng limitado nilang paggamit ng serbisyo, mas mataas ang sinisingil sa kanila under subemetering, kaysa sa itinakda ng Meralco. Sa tulong ng Meralco Malolos Business Center, Plaridel Sector, at ng lokal na pamahalaan ng Hagonoy, nabigyan na sila ng ligtas at direktang koneksyon sa kuryente—isang pangarap na natupad para sa maraming residente ng isla.

Ganito rin ang naging sitwasyon sa Barangay Bulilan Norte sa bayan ng Pila. Dahil nabigyan na sila ng direktang serbisyo, mas naging produktibo ang mga pamilya at hindi na nila kailangang umasa sa submetering. Tumanggap din sila ng pinansyal at teknikal na tulong mula sa OMF at Meralco na nagpadali sa kanilang aplikasyon para sa sarili nilang koneksyon.

Mula pa noong 2011, nakapagpailaw na ang OMF ng mahigit 85,000 na mga kabahayan sa pamamagitan ng Household Electrification Program – bagay na nakatulong para mabigyan ang maraming pamilya na mabawasan ang kanilang gastusin at para maka-ambag sa paglago ng kanilang mga komunidad.

Liwanag sa mga paaralan

Nagtulungan ang OMF at mga employee-volunteer ng Meralco Customer Relations and Services (CRS) at ang Meralco Employees’ Fund for Charity, Inc. (MEFCI)  upang mapailawan ang Karahumi Elementary School sa pamamagitan ng solar energy.

Hindi lamang nakatuon ang OMF sa pagbibigay liwanag sa mga tahanan, kung hindi pati na rin ang pagbibigay ng pag-asa sa mga mag-aaral at liwanag sa mga paaralan. Sa pamamagitan ng School Electrification Program, patuloy na nagbibigay ang One Meralco Foundation (OMF) ng maaasahan at sustainable na suplay ng kuryente sa mga liblib na pampublikong paaralan upang makalikha ng mas ligtas at mas maayos na learning environment.

Noong unang bahagi ng 2026, katuwang ang Meralco Customer Relations and Services (CRS) at ang Meralco Employees’ Fund for Charity, Inc. (MEFCI), nag-install ang OMF ng 3-kWp solar photovoltaic (PV) system sa Karahumi Elementary School sa Norzagaray, Bulacan, na ngayon ay nagsisilbi sa mahigit 100 mag-aaral, guro, at kawani.

Nagkaloob din ang OMF ng mga laptop, telebisyon, at printer sa Mangcawayan Island Integrated School at Eugenia M. Quintela Memorial High School sa Vinzons, Camarines Norte, na dati nang nalagyan ng solar power, upang higit pang mapahusay ang paggamit ng digital learning tools.

Sa kasalukuyan, mahigit 300 pampublikong paaralan na ang nabigyan ng kuryente sa ilalim ng programa, na nakikinabang ang mahigit 95,000 mag-aaral, guro, at kawani. Sa pamamagitan ng mga inisyatibang ito, patuloy na nagbibigay-liwanag ang OMF hindi lamang sa mga silid-aralan kundi maging sa kinabukasan ng mas maraming kabataang Pilipino.

Pinakikinabangan na ng mga miyembro ng Mulawinan Centro E-Trike Operators and Drivers Association (MULCETRODA) ang bagong e-trike charging station na itinayo sa lungsod ng Valenzuela.

Liwanag para sa kabuhayan

Para sa maraming micro-entrepreneur at magsasaka, ang maaasahang suplay ng kuryente ay mahalaga sa pagpapalago ng kabuhayan. Sa pamamagitan ng Agriculture and Livelihood Electrification Program, tinutulungan ng One Meralco Foundation (OMF) ang mga komunidad gamit ang sustainable energy solutions.

Katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), nagtayo ang OMF ng isang community-based charging station sa Barangay Lawang Bato, Valenzuela City para sa 117 e-trike drivers ng Malanday-Lawang Bato United Electric Tricycle Operators and Drivers Association (MULCETRODA). Nakatutulong ito na mapababa ang gastos sa pag-charge at baterya, kaya mas napapalaki ang kanilang kita.

Samantala, sa Nueva Ecija, nagkaloob ang OMF ng solar-powered mobile irrigation systems na nagbibigay sa mga magsasaka ng mas mura at mas maaasahang patubig nang hindi umaasa sa diesel. Dahil dito, nababawasan ang kanilang gastusin at tumataas ang produktibidad.

Sa pamamagitan ng programang ito, ipinapakita ng OMF kung paano nagiging daan ang malinis at napapanatiling enerhiya sa paglikha ng mas maraming oportunidad, mas matatag na kabuhayan, at mas maunlad na mga komunidad.

Sa pamamagitan ng solar technology, nagagamit na ng mga health worker  ang mga bagong medikal na kagamitan upang ma-preserve ang mga bakuna at gamot dito.

Pagpapabuti sa serbisyong pangkalusugan

Sa dami ng probinsya sa buong Pilipinas, napakahalagang mayroong rural health center na makakapagbigay ng serbisyong medikal ng mga residente. Pero para sa mga komunidad na walang maaasahang suplay ng kuryente, maging ang mga pinakapangunahing serbisyong pangkalusugan ay hindi matugunan. Dagdag na pagsubok pa kung malayo ang naturang pasilidad.

Para makatulong na matugunan ang suliraning ito, nag-install ang OMF ng isang solar PV system para sa isang rural health station sa Don Salvador Benedicto, Negros Occidental na nagse-serbisyo sa mahigit 2,500 residente.

Malaki ang naitulong ng proyekto ng OMF sa pagpapalakas ng kakayahan ng health center na tugunan ang mga pangangailangan ng komunidad, lalo na sa harap ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng gastrointestinal at urinary tract infections na may kaugnayan sa hindi maayos na sanitasyon.

Bukod sa pagpapahusay ng mga serbisyong klinikal, nagsisilbi na rin ngayong sentro para sa preventive healthcare o pangangalagang pangkalusugan na nakatuon sa pag-iwas sa sakit at regular na na ring nakakapagsagawa ng information sessions tungkol sa kalusugan, Dahil dito, nabibigyan ang mga residente ng kinakailangang kaalaman para maiwasan ang mga karamdaman bago pa man ito mangyari at makagawa ng mas mabubuting desisyon para sa kanilang kalusugan.

Makikita sa larawan ang pagtatanim ng mga mangingisda ng Aklan ng bakawan upang maparami pa ang mga ito at makalikha ng palaisdaan.

Pangangalaga sa kalikasan

Bahagi rin ng programa ng OMF ang environmental stewardship. Bilang bahagi ng programanag One for Trees, nakipagtulungan ang OMF sa Aklan State University (ASU) at sa lokal na pamahalaan ng New Washington para i-restore ang  dalawang abandonadong palaisdaan sa mga Barangay Guinbaliwan at Lawaan sa pamamagitan ng pagtatanim ng 50,000 ng bakawan o mangroves.

Higit pa sa pagprotekta sa mga baybayin, ang mga mangrove forest ang nagsisilbing panangga ng mga komunidad laban sa mga bagyo at pagguho ng lupa sa tabing-dagat, Nagsisilbi rin itong mahalagang lugar ng pamumugaran ng mga isda at iba pang yamang-dagat.

Sa bayan ng New Washington, Aklan, makikita ang realidad na ito sa Batan Estuary, kung saan umaasa ang ilang henerasyon ng mga mangingisda sa masagananf yamang-dagat nito bilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan.

Matutulungan ng inisyatibong ito ang mga lokal na komunidad upang maging tagapangalaga ng kalikasan Tatlong organisasyon ang nabigyan ng kinakailangang kaalaman at kasanayan upang mapangalagaan ang mga lugar na ito, lumikha rin sila ng alternatibong pagkakakitaan sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga punla ng bakawan.  Tinitiyak ng proyekto na  ito na pangangalaga sa kalikasan ang kaakibat ng pagpapaunlad ng kabuhayan.

Mula nang ilunsad ng OMF ang One for Trees noong 2019, nakapagtanim na ng mahigit 3 milyong puno sa 36 na reforestation site sa buong bansa, na direktang sumusuporta sa 2,492 tree farmers na nagsisilbi ring tagapag-alaga ng mga kagubatan na ito.

Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, patuloy na ipinakikita ng OMF na ang pamumuhunan sa kalikasan ay pamumuhunan din sa mas matatag na mga komunidad, mas napapanatiling mga kabuhayan, at isang Pilipinas na higit na handa at matatag sa harap ng mga hamon ng pagbabago ng klima.

Tulung-tulong para sa isang adhikain

Tinulungan din ng OMF ang Manila Boystown Complex sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong poste upang mapalitan na ang mga nakahilig at lumang poste sa loob ng compound.

Patuloy na nakikipagtulungan ang OMF sa mga komunidad, lokal na pamahalaan, at iba’t ibang organisasyon sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa edukasyon, kalusugan, kaligtasan, at serbisyong pampubliko.

Kabilang sa mga isinagawang inisyatiba ang pamamahagi ng mga computer, school kits, multimedia equipment, food at hygiene packs, gayundin ang pagsasagawa ng 36 community relations projects. Nagkaloob din ang OMF ng mga computer sa Barangay Poblacion sa San Ildefonso, Bulacan, at sa mga tanggapan ng Philippine National Police, Metro Manila Development Authority, at Bureau of Fire Protection para makatulong sa pagpapahusay ng kanilang serbisyo sa publiko.

Bilang suporta sa pangangalagang pangkalusugan, namahagi rin ang OMF ng mga bitamina sa iba’t ibang health units sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, at Laguna. Sa ilalim naman ng Adopt-a-Health-Center Program ng MGEN Thermal, nagbigay ito ng mga gamot at kagamitang medikal sa 33 health centers sa Cebu, Iloilo, at Aklan.

Pinagtibay rin ng OMF ang kaligtasan ng mga komunidad sa pamamagitan ng pagpapalit ng mga luma at nakahilig na poste ng kuryente sa Manila Boystown Complex sa Marikina City. Nagkaloob din ito ng mga solar lamp, flashlight, hygiene kits, at food packs sa mga benepisyaryo sa Negros Occidental at sa mga komunidad ng Aeta sa Tarlac.

Liwanag sa gitna ng unos

Nanatiling maagap ang OMF sa pagtugon sa mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad at iba pang sakuna. Sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang, patuloy itong naghahatid ng relief packs, solar lamps, at iba pang agarang tulong, habang katuwang din ang Meralco sa pagpapadala ng power restoration teams upang mapabilis ang pagbangon ng mga apektadong lugar.

Noong unang bahagi ng 2026, naghatid ang OMF ng tulong sa libu-libong pamilyang naapektuhan ng sunog sa Quezon City, Maynila, General Trias, Cavite, San Pedro City, Laguna, at sa mga residente ng Navotas. Agad din itong rumesponde sa mga naapektuhan ng Bagyong Basyang sa Iligan City, Lanao del Norte sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga relief packs upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan.

Sa pamamagitan ng mga programang ito, patuloy na isinusulong ng OMF ang layunin nitong makapaghatid ng makabuluhang tulong, makapagpalakas ng mga komunidad, at makatulong sa pagbuo ng mas matatag at mas maliwanag na kinabukasan para sa mas maraming Pilipino.

Namimigay ang OMF employee-volunteer ng relief packs para sa mga apektadong residente ng malawakang pagkasunog ng  Navotas landfill.

113

Related posts

Leave a Comment