Panlimang araw na ngayon buhat nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Durterte ang pagpapasara at pagpapahinto ng lahat ng uri ng gaming schemes sa pamamahala ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.
Ito ay pag-aari ng ating pamahalaan at isang controlled corporation ng bansa na direktang pinamamahalaan ng Office of the President ng Pilipinas. Samakatuwid ang PCSO ay nasa ilalim ng tanggapan ni Pangulong Duterte.
State Lottery Company iyan at matagal nang nag-oopereyt sa bansa simula pa noong 1934. Pero noong nakaraang Sabado lang biglang natapos sa isang iglap ang kasaysayan ng PCSO. Sisihin na natin dito ang mga sinasabing tiwaling opisyales na uhaw sa pera na mga namumuno rito at may kinalaman dito. Hindi natin nilalahat at wala rin naman tayong binabanggit na mga pangalang sangkot. Pero galing na kay Pangulong Duterte na may katiwaliang nagaganap.
Ang masakit lang ay nadamay talaga ang mga umaasa ng tulong sa PCSO.
May pondo kasi rito na maaasahan para sa pinansyal na pangangailangan sa health programs, medical assistance at iba pang mga serbisyo at iba pang kawanggawa o ang tinatawag na charities ng national character tulad ng Philippine Red Cross.
Paano nahahati at gumagalaw ang pondo sa PCSO? Ang 55 porsyento nito ay para sa prize fund, 30 porsyento ay sa charity fund, habang ang 15 porsyento ay para sa operating fund.
Sa charity fund na 30 porsyento ay napakaraming mga mahihirap na mamamayang Filipino ang umaasa rito. Na kahit mismo sa paraan nila na umasa ay kailangan pa nilang magtungo sa PCSO mismo para makatanggap ng tulong pinansyal, medikal at iba pa. Pumipila ang mga iyan umaga pa lamang upang agad na maasikaso – sila mismo ang mga pasyenteng kahit hirap ay tinatiyaga.
Kaya, nang pinahinto ng pangulo ang operasyon ng PCSO marami ang agad na nagdusa lalo na ang mga mahihirap na pasyente dahil sa iba’t ibang sakit. Hindi naman napupulot lang sa kalye ang libong halaga na pampagamot o pandugtong ng buhay ng mga ito, pero para mawala nang ganoon lang ang PCSO ay nakapanlulumo naman.
Sana ibalik ito para na rin sa ating mga kababayan na may problema na sa kalusugan may problema pa sa pera. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
269