ULAN: BIYAYA O SUMPA?

Psychtalk

(Ikalawang bahagi)

Marami pa akong positibong ala-ala sa tag-ulan bilang bata.

Gaya ng gaano ko nakitang nadadalian sa paglalaba ang mga kababaihan dahil sa pagkabuhay ng mga batis. Pati ang pag-isis ng mga inuling na kaldero at kaserola ay napapadali pag kukuskusin lang siya ng tinipak na piraso ng isang klase ng medyo malambot pero magaspang na bato sabay ng mabilis na anlaw sa tubig-batis na rin.

Ngunit ‘di naglaon, nang medyo naging abnormal na ang dating ng mga ulan at bagyo, tila nagkaroon ng bagong mukha ang ulan para sa akin.

Noong medyo nagkakaedad na at kinailangang mag-high school sa karatig-bayan, nagkamuwang ako na hindi pala la¬ging masaya ang tag-ulan. Pag sira ang daan, walang biyahe ang jeep, mapipilitan kang maglakad hanggang highway sa hapon ng Linggo para makarating sa bayan o boarding house. Sa hirap ng transportasyon, hindi kayang mag-uwian kaya high-school pa lang mulat na ako sa buhay boarding-house.

Ilang tag-ulan ang dumaan, hanggang magdalaga na ako at pumunta sa Maynila para mag-aral, nanatiling pahirap sa mamamayan ang kalsadang halos ‘di madaanan ‘pag umuulan. ‘Yung ulan ba ang sumpa, o ‘yung pamahalaang walang kapasidad na magpaayos ng kalsadang kinatandaan ko na?

Tag-ulan nang sa unang pagkakataon, pagkatapos mawala ang Batas Militar nagkaroon ng unang tala ng krimen sa baryo—naholdap at duguang dumating sa bahay namin ang lalaking magpapakasal sa isa sa mga ate ko kinabukasan. Kaya’t sa wedding picture nila, may mga pasa pa siya sa mukha.

Noong sobra nang lumakas ang mga bagyo dahil sa sinasabi ng mga ekspertong climate change, nasagap ko na lang ang balita tungkol sa maraming bahay na nawalan ng mga bubong, at mga punong tila kalansay ang bumati sa akin pagdalaw sa probinsiya.

Dahil sa mga pangyayaring ito, natutunan kong iugnay ang ulan sa lungkot at takot. May panahong lagi akong pumi¬pili ng payong na may sunflower dahil katuwiran ko, sa gitna ng ulan, gusto kong makita ang araw.

Noong dumating na ang mga bangungot nina Sendong, Ondoy, Yolanda, at iba pang malulupit na bagyo, na nagdulot ng trauma sa marami pang buhay, lalo kong napagtanto na may mga pagkakataong ang buhos ng ulan ay may kasabay na agos ng luhang lumulunod sa masasayang halakhak ng kawalang-muwang. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

217

Related posts

Leave a Comment