Sa nangyaring kapalpakan sa Bureau of Corrections malaking gulo ang iminarka nito sa mga opisyal at ng mismong pamahalaan.
Malaking stigma ito sa sistema ng ating batas na para bang mismong ang nagpapatupad sana ng tuwid na batas ay hindi makaintindi sa nilalaman mismo ng batas. O baka naiintindihan naman nila pero dahil sa mga pansariling interes e hindi bale na lang na baluktutin ang tama at ipagpatuloy ang kanilang mga pansariling kagustuhan para sila lamang ang mga makinabang.
Nagpalaya ang BuCor ng mga presong nahatulan dahil sa karumal-dumal na krimen. Kung hindi pa sa public outcry malamang nakalaya na rin ang rape-slay convict na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez. At dahil din diyan ay naglabasan ang mga tinatagong kontrobersya sa sistema ng pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) para basehan sa pagpapalaya sa mga preso.
Sa mga pinalayang halos 2,000 preso, pinababalik sila ngayon at may ultimatum na 15 araw o dalawang linggo para sumuko sa awtoridad.
Mabigat na laban, hamon at kahihiyan iyan sa panig ng pamahalaan, sa imahe ng bansa, at siyempre pa sa mga pamilya ng mga presong akala nila ay natamo na nila ang kalayaan.
Pero higit na masakit ang bagay na ito para sa mga pamilya ng naging biktima ng mga presong sangkot sa krimen. At totoong matagal ang 15 araw na palugit para sumuko at maharap muli ang kanilang kaso.
Kapag hindi sumuko ang mga nakalayang preso ay ituturing sila ng batas na fugitive o mga pugante. Makaklasipika sila na “evading their sentence” kapag nadeklarang pugante matapos ang 15-day period.
Kaya, ayon sa batas ay continuing offense ito hanggang hindi sinusuko ng mga pinalayang mga preso ang kanilang mga sarili. At ground na ito na maaaresto sila o mahahainan ng warrantless arrest kapag ganito.
Pero may laban din ang preso ritong napalaya na, ayon sa ilang mga abogado. Ito raw ay dahil ang paglaya na natamo nila ay vested rights nila. Kaya mas magulo, masakit sa ulo.
Sadyang iba ang batas sa atin dahil namamanipula. Nakakahiya. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
