(NI HARVEY PEREZ)
IPATUTUPAD ng Commission on Elections (Comelec), ang limang araw na Indigenous Peoples (IP) Satellite Registration sa susunod na linggo para lahat ng mamamayan sa bansa ay makaboboto sa susunod na halalan.
Ang IP Registration Week ay idaraos sa buong bansa simula Setyembre 16 hanggang 20, 2019.
Nabatid na sa panahon umano ng IP Registration Week, magdaraos ang poll body ng satellite registrations sa bawat lalawigan sa buong bansa na tukoy na may IP population.
Binanggit ng Comelec na isinasapinal pa ng provincial at regional offices ng poll body ang mga lugar kung saan isasagawa ang naturang satellite registrations.
Layunin ng proyekto na paigtingin ang kanilang registration efforts sa iba’t ibang IP communities sa buong bansa, maipakita ang kahalagahan ng mga IP voters bilang miyembro ng electorate, at mapataas pa ang kaalaman ng mga IP communities hinggil sa mga electoral issues at concerns sa bansa.
Maari umanong direktang makipag-ugnayan sa Office of the Election Officer (OEO) sa kanilang lungsod o munisipalidad o sa Office of the Provincial Election Supervisor (OPES) sa kanilang lalawigan,ang lahat umano ng gustong lumahok sa pagsasagawa ng naturang satellite registration para sa kapakinabangan ng mga IP voters .
Ayon sa Comelec, ang nationwide voters registration ay sinimulan nila noong Agosto at magtatapos hanggang sa Setyembre 30, 2019.
148