(NI DANG SAMSON-GARCIA)
PINAALALAHANAN ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang Dangerous Drugs Board (DDB) sa paggamit ng mga drug rehabilitation facilities upang bigyang pagkakataon ang mga drug dependents na magbago.
Sa impormasyon, mayroong 54 rehabilitation centers sa bansa kasama na ang 19 na pinamumunuan ng Department of Health (DOH) gayundin ang mga private rehabilitation centers na may 5,300 bed capacity ang pawang mga nakatiwangwang.
Mababa aniya ang occupancy rate kaya’t nais malaman ni Go kung ano ang kailangang gawin upang mahikayat ang mga drug dependents na sumailalim sa rehabilitation program.
“Sayang ang mga facilities natin doon, hindi lang natin masyadong nagagamit like sa Bukidnon, malaki ang nagastos, Nueva Ecija, Las Piñas, maganda yung pinapagawa ni Sen. Villar,” saad ni Go.
Iginiit naman ni PDEA Director General Aaron Aquino na mas epektibo kung gagawing community-based ang treatment sa mga drug dependents.
Ipinaliwanag pa ni Go na marami sa mga drug dependents ang ayaw pumasok sa mga kasalukuyang rehab centers dahil sa layo sa kanilang nga pamilya.
Subalit iginiit ni Go na kung nais talaga ng drug dependents na magbago ay pipiliin pa rin nilang magparehab kahit malayo.
“Usually, kung gustong magpa-rehabilitate nung adik, talagang dinadayo nila, tulad nung may kapasidad na magbayad ng mga private care, dinadala talaga nila sa mga isolated areas, tulad ng Bukidnon, Nueva Ecija. Kung sino talaga gustong magpa-rehab, pwede naman kung gusto talaga,” diin ni Go.
“Papaano natin makukumbinsi itong mga adik na magparehab sila, eh malalayo sila? ‘Yung sinasabing community-based rehabilitation, kulang ‘yung mga ginagawang rehabilitation kung community-based. Babalik pa rin yung mga adik,” diin pa nito.
“Full support po kami dito sa Senado. Ako ay sumusuporta sa inyo. May pakiusap lang po ako sa inyo, ‘yung drug lords ang unahin natin. Sila ‘yung nagsu-supply. Pangalawa, ‘yung mga gustong magbagong buhay, tulungan natin na ma-maximize ang mga rehab (centers). Sila rin ay biktima. Kawawa naman. Marami pa naman gustong magbagong buhay. Tulungan natin sila,” dagdag pa ng senador.
Isinusulong ni Go ang panukala para sa pagtatayo ng drug abuse treatment and rehabilitation center sa bawat lalawigan.
“Nais natin na magkaroon ng mga drug rehabilitation centers ang bawat probinsya sa buong bansa. Ang mga centers na ito ang tutulong sa mga drug dependents upang magamot ang kanilang adiksyon at matulungan silang mamuhay ng normal muli,” paliwanag ni Go said.
“Habang walang humpay ang kampanya natin kontra sa mga kriminal na sangkot sa mga drug-related na krimen at sa mga sindikatong involved sa illegal drug trade, kailangan din nating tulungan at sagipin ang mga drug dependents na naging biktima ng kanilang adiksyon sa bawal na gamot,” diin pa nito.
244