Sa ikalawang pagkakataon, nabigyan ang Navotas ng Seal of Good Education Governance (SGEG) mula sa Synergeia Foundation. Ang una ay noong isang taon lamang sa panahon ni ex-mayor at ngayo’y Rep. John Rey Tiangco bilang pagkilala sa masidhing pagsisikap ng lungsod na mabigyan ng de-kalidad na edukasyon ang mamamayan nito.
Tinanggap ni Mayor Toby Tiangco at iba pang opisyal ang parangal sa naganap na 13th National Education Summit sa PICC kamakailan.
“Ang de-kalidad at holistikong edukasyon na mayroon tayo ay bunga ng sama-samang pagkilos ng ating stakeholders. Ang walang kupas na suporta ng ating mga guro, mga magulang, local school board, mga school governing council at lahat ng education stakeholders ang naghatid sa atin ng parangal na ito,” ani Mayor Toby.
‘Di maikakatwang mahal na mahal ng mga taga-lungsod ang Tiangco brothers dahil sa kanilang pagbuhos ng panahon at resources upang masiguro ang edukasyon lalo na iyung nasa poor sector, galing!
Digital marketing para sa Navoteño youth
Nasa 970 kabataang Navoteño ang natuto ng online retail, electronic commerce at digital marketing sa 7th Youth Entrepreneurship Summit (YES).
Nagbigay-inspirasyon sa mga kalahok ang guest speakers na dating kalahok ng YES at ngayo’y successful entrepreneurs kasabay ng pagtuturo sa kanila tungkol sa Digital Marketing at pamamaraan kung paano gamitin ang digital platforms sa pagsusulong ng negosyo.
Ani Mayor Toby, kahit ang malalaking kompanya sa Pilipinas ay nagsimula sa maliit. Ang mahalaga ay magkaroon ng lakas ng loob na magsimula at magsikap hanggang maabot ang pinapangarap, aniya
Samantala, pinayuhan ni Congressman JRT ang mga estudyante ng senior high school, kolehiyo at Alternative Learning System na maging matapang at bigyan ng buhay ang kanilang mga ideya.
“Samantalahin ninyo ang pagsulong ng digital technology. Maging mapagmasid, maging malikhain, at gamitin ang inyong kaalaman at kakayahan para gumawa ng app o negosyo na magiging kapaki-pakinabang sa inyo at sa inyong kapwa kabataan.”
Ang youth summit ay isang taunang programa ng pamahalaang lungsod sa pangunguna ng NavotaAs Hanapbuhay Center. (Early Warning / ARLIE O. CALALO)
142