Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs-Anti-Ilegal Drugs Task Force, X-ray Unit, Office of the Collector at CIIS ang isang Indonesian nang tangkain nitong ipuslit ang mahigit kumulang sa walong kilong shabu na may street value na P54 milyon kamakalawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Kinilala ni NAIA-Customs district collector Carmelita Talusan ang dayuhan na si Agnes Alexandra, mula sa Seam Reap, Cambodia sakay ng Cebu Pacific Flight 5K 528, dakong alas 2:00 ng madaling araw.
Nalaman na ang luggage ni Alexandra ay minarkahan na bago pa man ilagay sa carousel nina COO3 Flores Jerico at SA1 Dan Valencia , ng Customs Inspection Project.
Nang busisiin ang luggage, dito na nakita ang shabu na nakabalot sa aluminum foil at kulay itim na plastic na inilagay sa sikretong compartment ng kanyang kulay itim na trolley bag para iligaw ang Customs officer kapag dumaan sa X-ray machine.
Umabot sa humigit kumulang 5127.6 gramo ang kabuuang timbang ng dalawang balot habang ang pangatlong balot ay umabot naman ang timbang sa humigit kumulang 2827.2 gramo.
Kaagad na itinurn-over ang babae sa Customs at PDEA para isailalim sa imbestigasyon at matapos ang mga test na isinagawa sa mga nasamsam na substansiya ay nagpositibo itong ilegal na droga.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek. (HARVEY PEREZ)
231