(NI NOEL ABUEL)
MULTA at pagkakakulong ang kakaharapin ng sinumang indibiduwal na gumagamit o nagpapalipad ng drones nang walang pahintulot mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ito sa sandaling maipasa ang panukalang Senate Bill No. 1098 o “Act Regulating the ownership and Operation of Drones by Private Persons,” na inihain ni Senador Aquilino Pimentel III.
Sinabi ni Pimentel na sa loob ng dalawang dekada ay nagagamit ang mga drones sa photography at crop production, gayundin sa commercial use at pagsasagawa ng surveillance ng mga awtoridad.
Nabatid na kamakailan, pinayagan ng Federal Aviation Administration ang United Parcel Service (UPS), isang American multinational package delivery and supply chain management, na gumamit ng “drone airline” para sa negosyo ng mga ito.
“With this ubiquity, comes the need for regulation,” sabi nito sa pagsasabing hindi malayong magamit ang mga drones ng mga teroristang grupo at makasagabal sa mga commercial airplane.
“The same drones that are used for recreational and commercial purposes might be exploited by terrorists, used to violate rights, or could pose a hazard to aircraft,” ayon pa kay Pimentel.
Patunay aniya nito na ginamit ng Yemen’s Houthi rebels ang drone para atakehin ang dalawang oil installations sa loob ng Saudi Arabia na nagdulot ng epekto sa supply ng langis sa buong mundo.
Sinumang mabibigong iparehistro ng mga may-ari ang kanilang mga drone ay agad na kukumpiskahin ito ng CAAP at pagmumultahin ng P50,000 at P100,000.
145