(NI NOEL ABUEL)
NANAWAGAN si Senador Bong Go sa publiko, maging ang pribadong sector, na paigtingin ang suporta sa mga atletang Pinoy para maengganyo ang mga ito at makuha ang inaasam na gintong medalya sa Olympics.
Sinabi nito na malaking tulong ang pagsuporta ng mga Filipino sa Pinoy athletes sa mga palarong sasalihan ng mga ito sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre.
Kaugnay nito, sinabi Go na handa na ang bansa sa pagho-host kung saan mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang mangunguna sa opening ceremony.
Sinabi ng mambabatas na nasa iisang lugar na lang sa New Clark City sa Tarlac ang mga world class facilities ng bansa sa sports na gagamitin sa hosting ng SEA Games sa November 30 hanggang Disyembre 15.
Tiniyak ni Go na on track ang paghahanda ng pamahalaan sa pangunguna ng PhilSCOG para sa nalalapit na SEA games.
“Ako po very much hopeful tayo not only with the kind of facilities we have right now but with the support of Filipino people iba po ‘yung merong magtsi-cheer sa iyo na hometown crowd. Ako bilang atleta gaganahan ka kung mismo mga Filipino nagtsi-cheer sa iyo, ako naman po nananawagan ako sa mga kapatid nating Filipino magkaisa tayo na maging successful po ang hosting natin at sana po mag-top tayo ngayong Sea Games,” ayon pa rito.
Sa Senado bilang pinuno ng Senate Committee on Sports ay tinitiyak nito na matatapos ang mga gagamiting venue ng SEA games tulad ng sa Rizal Memorial Coliseum, Badminton Hall, at Ninoy Aquino Stadium.
Nanawagan din si Go sa Philippine National Police (PNP) na mas paigtingin ang pagbabantay sa lahat na gagamiting pasilidad sa SEA Games lalo na at mahigit umano sa 10,000 atleta ang lalahok.
Umaasa rin umano ito na mangunguna ang Pilipinas na makakuha ng maraming gintong medalya upang muling tumaas ang estado ng bansa sa palakasan.
