(NI BERNARD TAGUINOD)
KAILANGANG-kailangan na umano ang Disaster Department sa gitna ng nararanasang kalamidad sa bansa tulad ng 6.3 magnitude lindol sa Mindanao na ikinamatay ng lima katao, kasama na ang tatlong bata at pagkasira ng mga ari-arian.
Ito ang pahayag ni Quezon City Rep. Alfred Vargas kung saan umaasa ito na bago matapos ang taon ay maisasabatas na sa Mababang Kapulungan ang Department of Disaster Resilience (DDR).
“We will work double time to pass into law the DReAM Act (DDR),” ani Vargas na isa sa mga may akda sa panukala na itatag ang nasabing departamento na tututok lang sa kalamidad.
Unang sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na bukod sa OFW Department ay prayoridad ng Kamara ang Disaster Department kung saan pag-iisahin na ang lahat ng mga ahensya na may kaugnayan sa pagtugon sa panahon ng kalamidad.
“It’s about time to have this DReAM. This DReAm will equip the country with institutional capacity for disaster preparedness and emergency management, and build the resilience of local communities to disasters, natural or man-made, including climate change impacts,” ayon pa kay Vargas.
Iginiit din ng mambabatas na lalong dalasan ang earthquake drill, hindi lamang sa mga lungsod tulad ng Metro Manila kundi sa mga munipisyo at mga barangay dahil walang nakaaalam kung saan at kalian magkakaroon ng lindol.
Naniniwala ang mambabatas na kung may sapat na kaalaman ang mga tao kung ano ang mga dapat gawin kapag panahon ng kalamidad tulad ng lindol ay mas maraming buhay ang maisasalba.
