(NI NOEL ABUEL)
IGINIIT ni Senador Nancy Binay sa Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na maghigpit sa pagpasok ng mga turista sa isa sa pinakasikat na tourist destination sa buong mundo.
Paliwanag ng senador, ngayon pa lang ay kailangan nang maghigpit sa pagdagsa ng inaasahang mga lokal at dayuhang turista sa Boracay.
“Baka po pwede tayo bigyan ng update ng BIATF kung kumusta na ang status ng mga nai-set nilang framework sa pagmomonitor pagdating ng mga turista, at ano na ang kanilang naging evaluation at recommendation lalo na at inaasahan ang pagdagsa ng mga tao sa mga susunod na buwan,” paliwanag ni Binay.
Magugunitang Oktubre ng nakalipas na taon nang buksan ang Boracay matapos na magpatupad ng limitasyon sa 6,405 turista kada araw.
Paliwanag ni Binay, dapat ay natuto na ang lahat sa nangyaring pagsalaula ng mga turista sa Boracay kung kaya’t nagdesisyon ang pamahalaan na isara ito.
“Dapat po ay natuto na tayo sa naging mga pagkakamali–sa ‘di pagpapatupad ng batas, sa pagbabalewala sa kalikasan, at sa unli-turista sa isla,” sabi pa nito.
Maliban sa paghihigpit sa pagdating sa mga turista dapat din aniyang siguruhin ng nasabing inter-agency council na nakakatugon ang lahat ng establisimiyento sa Boracay sa environmental laws.
“Sana ‘di ito ningas-cogon lamang dahil sayang lang ang ating magandang nasimulan para sa isla, at itaas po natin ang pamantayan na ating inilagay para mapangalagaan ang isla,” sabi pa ni Binay.
224