(NI ABBY MENDOZA)
PINAGHAHANDA ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mga residente sa Mindanao sa posibilidad ng pagkakaroon ng mas malakas na lindol kasunod ng dalawang insidente ng lindol na tumama sa North Cotabato.
Noong Oktubre 16 ay tumama ang 6.3 magnitude quake sa Tulunan, North Cotabato na kumitil sa buhay ng anim katao, isang 6.6 magnitude quake ang muling tumama sa nasabing bayan kung saan dalawa ang naiulat na nasawi.
Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, may posibilidad na may mas malakas pa na lindol ang yumanig sa rehiyon dahil na rin sa aktibong fault.
“Yung faults dyan ay may kakayahan na mas malaki sa magnitude 6.3 na pwede ipakawala, hindi po natin inaalis ‘yung posibilidad na may sumunod na mas malaki,” paliwanag ni Solidum.
Inamin ni Solidum na vertical at horizontal motion ang dapat na asahan sa lindol.
“‘Yung vertical motion initial lang po ‘yun, mas matagal po ‘yung horizontal. Kung malayo naman po sa episentro, hindi na nararamdaman ‘yung vertical, ‘yung horizontal po ang nararamdaman. ‘Yun po ‘yung damaging. Pagdating sa ating building code, ang kinokonsidera po sa design ay ‘yung horizontal shaking dahil ito ang mas malakas,” dagdag pa nito.
Sa talaan ng Phivolcs ay nakapagtala na ng 22 aftershocks kasunod ng naganap na lindol kung saan ang pinakamataas ay 6.6 magnitude habang ang pinakamahina ay magnitude 3.
158