2 MEKENI FOOD PRODUCTS POSITIBO SA ASF –DA

(NI ABBY MENDOZA)

KINUMPIRMA ng Bureau of Animal Industry (BAI)  na dalawang produkto ng Mekeni Food Corp ang nagpositibo sa African Swine Fever (ASF).

“Set of samples of longganisa and Picnic Hotdog tested positive for African Swine Fever based on tests conducted,”pagkumpirma ni BAI officer-in-charge Ronnie Domingo.

Ayon kay Domingo noong Oktubre 25 isinagawa ang test ng Regional Animal Disease Diagnostics Laboratory sa  Central Luzon at muli itong nai-validate ng Bureau of Animal Industry Veterinary Laboratory Division (DA-BAI-VLD) mula samples na nakuha sa produktong nakumpiska sa Calapan Port na mula sa isang pasahero noong Oktubre 6 at sa produkto na nakuha mismo sa Mekeni Processing Plant sa Pampanga.

Wala na umanong ire-recall na produkto dahil noong Oktubre 26 ay boluntaryo nang nagsagawa ng recall sa kanilang produkto  ang Mekeni Food Corp bago pa man isagawa ang test bilang bahagi na rin ng kanilang ipinangakong transparency sa isyu ng ASF contamination.

Sinabi ni Domingo na sa ngayon ay hindi pa batid kung saan nanggaling ang karne na ginamit sa longganisa at hotdog, ang Department of Agriculture (DA) at Department of Health (DOH) ay bumuo na ng composite team para magsagawa ng imbestigasyon ukol dito.

Kasabay ng pagkumpirma ng ASF sa pork products ng Mekeni ay nagsasagawa na ng inspeksyon sa pasilidad ng Mekeni ang Food and Drug Administration (FDA) upang masuri kung pasok sa government standards ang pagawaan nito.

“When we went to the factory, parang kumpleto naman sila ng documents pero obviously, there’s something wrong. Kung saan kinuha ni Mekeni ‘yung raw materials, ‘yun ‘yung susunod na parte ng investigation,” pahayag ni FDA officer-in-charge Eric Domingo.

Katuwang ang National Meat Inspection Service (NMIS) ay nakatakda ding inspeksyunin ng FDA ang may 178 meat processors sa bansa, sa ngayon ay may 63 na umanong nainspeksyon kasama dito ang Mekeni.

“‘Yung 63 na pinakamalaki in the country, sila ‘yung una naming pinuntahan and we found them compliant with FDA standards. We will continue to monitor them in tandem with NMIS, so we’re going to partner with NMIS,” dagdag pa ni Domingo.

Ang mga meat processors na mapatutunayang nagbebenta ng mga may sakit na baboy ay mapapatawan umano ng multa na P1M bukod pa sa pagkakakulong ng 6 hanggang 12 taon.

 

206

Related posts

Leave a Comment