(NI BERNARD TAGUINOD)
PINAGTIBAY sa ikalawang pagbasa ang isang panukalang batas para palawigin ang buhay ng 2019 national budget hanggang Disyembre 2020.
Sa pamamagitan ng viva voce voting sa plenaryo ng Kamara, lumusot ang House Bill (HB) 5437 na iniakda nina House deputy speaker Loren Legarda at House committee on appropriation chairman Isidro Ungab.
Base sa nasabing panukala, maaari nang gamitin ang pondo sa ilalim ng 2019 national budget hanggang Disyembre 31, 2020 lalo na maintenance and other operating expenses (MOOE) at capital outlay (CO) na hindi magagastos hanggang Disyembre 31, 2019.
Noong Nobyembre 4, nagpasa ng resolusyon ang Kamara para palawigin ang buhay ng 2019 national budget subalit kalaunan ay ginawa itong panukala dahil labag umano ito Korte Suprema.
“The SC (has) ruled that a mere resolution cannot amend or repeal a prior law which is an act of Congress. A Republic Act should also be amended or repealed by a Republic Act,” ani Ungab.
Nakasaad sa batas na lahat ng pondo na hindi nagamit sa itinakdang panahon ay kailangang ibalik sa national treasury.
Subalit dahil may mga pondo na hindi pa nagagalaw para sa mga proyekto ay nagpasa na lang ng panukala ang Kongreso upang maaari pa itong gamitin kahit magkaroon ng bagong national budget.
154