REPORMA SA SK ISINUSULONG NI NOGRALES 

Rep Fidel Nograles-2

(NI KIKO CUETO)

ITINUTULAK ni Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles ang pagrerepaso sa Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015, kabilang na dito ang pagkakaloob ng honorarium o mabigyan ng kabayaran ang ginagawang trabaho ng SK members.

“Ginagampanan ng ating mga SK ang kanilang tungkulin sa publiko, gayon man, maliban sa SK Chair, ang ibang SK officials ay karaniwan ding gumagawa ng boluntaryong trabaho,” paliwanag ni Nograles.

Inamin ni Nograles na base sa kanilang pagsusuri, nagiging problema ang pagkuha ng mga mga miyembro.

“Sapagkat ang kanilang tungkulin ay hindi bayad, nahihirapan ang SK Councils na mapunan ang mga bakanteng posisyon dahil walang gustong mag-aplay o nais maluklok dito,” pahayag ng batang mambabatas.

Dahil dito, minarapat ni Nograles na makatanggap ng mga honorarium ang mga technical officers gaya ng secretary at treasurer, para sa kanilang serbisyo.

Sa ilalim ng panukala ni Noagrales, ang treasurer at secretary ay parehong makatatanggap ng P1,000 hanggang P3,000 honorarium kada buwan.

Ang mga SK members naman ay makatatanggap ng honorarium na P500 – P1,000 bawat buwan, depende sa populasyon ng kabataan, laki at kita ng barangay.

Ang mga SK officials na nakapagsilbi ng buo sa kanilang termino ay karapatang tumanggap ng Barangay Official Eligibility, upang sa kalaunan ay magagamit nila para makapag-aplay sa first-level positions ng alinmang tanggapan ng gobyerno.

Nilinaw naman ni Nograles, ang isinusulong niya na gagawing pagbabago sa ilalim ng SK Reform law ay maliit lamang na pagbabago kung saan mas malawak ang mabi-benepisyuhan pagdating sa pagganyak sa mga kabataan upang makilahok o makisali sa pagpapatakbo ng programang pang-kabataan.

“Syempre, hindi naman tayo pumasok sa pulitika o serbisyo publiko na ang tanging hangad ay pera. Gayunman, hindi naman nangangahulugan ito na hindi natin bayaran ang serbisyo at sakripisyo ng ating batang tagapagpasunod,” pahayag ni Nograles.

“Binabayaran natin ang ibang public officials, bakit hindi natin babayaran iyong nagpe-perform din naman ng official functions. Nagsa-sakripisyo din naman ng oras ang mga SK natin para magtrabaho para sa kapakanan ng kabataan. Ito ay maliit na halagang bayarin para sa panig ng estado upang suklian kahit papaano ang sakripisyo at pagkukusang ito,” dagdag pa ni Nograles.

 

221

Related posts

Leave a Comment