Nakapagtataka naman kung bakit ang ingay ng ilang grupo laban sa reclamation project sa Bacoor City samantalang para sa progreso ito ng Cavite.
Una nang umangal si Sen. Cynthia Villar dito na makaaapekto raw sa kanyang Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area Project samantalang wala namang pag-aaral na isinagawa upang ito ang maging konklusyon ng senadora.
Maganda sana ang proyektong iyan na gustong pangunahan ng Frabelle at Aboitiz, na tiyak na makikinabang ang mga Caviteño at mga karatig-lugar, ngunit winawasak ng ilang grupo.
Ngayon, ang DENR naman ay na-hostage dahil sa kanilang budget kaya ayun, lumambot sa ibig ng ilan.
Sa totoo lamang, walang basehan ang sinasabi ng senadora na babahain ang Las Piñas hanggang walong metro kung mapapayagan ang 944-hectare na reklamasyon at ‘yun nga, maaapektuhan nga raw ang kanyang pet project.
Ang tanging basehan ni Sen. Villar ay ang sinabi ni dating DPWH Sec. Rogelio Singson na magbabaha nga sa Las Piñas kapag natuloy ang reklamasyon ngunit wala namang naiprisintang pag-aaral kung totoo ngang ganoon ang magiging resulta at kung tunay nga ba ang sinasabi ni Singson.
Naidadahilan pa ngayon ang mga mahihirap upang salungatin ang napakagandang proyektong ito, e matanong ko nga, sino nga ba ang mahirap?
Ano say mo, Mayor Lani Mercado? Ganun-ganun na lamang ba ‘yun? Paano naman ang mga Caviteño?
Moro-moro na naman ito, bayang magiliw! (For the Flag / ED CORDEVILLA)
127