ANTIBIOTIC GAWING ACCESSIBLE

FOR THE FLAG

PINAHIRAP na ngayon ang pagbili ng antibiotic sa mga drugstore sa buong bansa. Hindi na basta-basta makabibili ngayon nito over-the-counter kung walang dalang reseta ang sinuman.

Kung may milagro ang siyensya at medisina ay isa itong pagkakaimbento ng antibiotic, isa itong life-saver na gamot.

Ginagamot ng antibiotic ang impeksyon sa katawan ng isang tao na hindi na kayang lunasan ng mga pang-external na gamot.

Ang mga Filipino ay nakagawian nang mag-self-medicate at bukod sa paracetamol, mga gamot sa sipon at ubo, ang antibiotic ay indemand din, ang cloxacillin, erythromycin at amoxicillin.

Kung bakit kinakailangan pang kumuha ng reseta ang nangangailangan ng simpleng inuman lamang naman ng antibiotic ay may wisdom din naman sa likod nito. Masama ang pag-inom ng antibiotic sa mga buntis, nakakaapekto ito sa mga sanggol na nasa sinapupunan. Sa ganang iyan, nararapat lamang naman talaga na huwag pagbilhan ng antibiotic ang mga buntis.

Isa pang wisdom ng paghihigpit sa pagbebenta ng antibiotic ay karaniwang hindi kinukumpleto ng mga Filipino ang minimum na pitong araw na pag-inom nito at hindi nasusunod ang nararapat na frequency na tatlong beses isang araw kung kaya’t ang sakit ay kalaunan ay nagiging resistant na sa antibiotic.

Ngunit marahil may mga kasong simple lang naman na maampatan na agad-agad ng pag-inom ng antibiotic na hindi na kinakailangan pang magpatingin sa isang doktor upang maresetahan lamang.

Sa kaso ng tonsillitis, sugat na naimpeksyon, lagnat na hindi makuha basta-basta ng paracetamol at marami pang ibang minor cases ay marahil maaari nang mag-self-medicate at makabili ng ilang piraso ng antibiotic.

Ang ordinaryong masang Filipino na bukod sa walang budget na magpa-konsulta sa doktor upang maresetahan lamang, bukod pa sa panahon at lakas na magparoon sa center ay maaaring pwede nang mapagbigyan na makabili ng antibiotic na abot-kaya ng bulsa.

Nawa’y maikonsidera ito ng Department of Health at maaral kung paanong maging mahigpit ngunit may praktikal na kaluwagan para sa nasabing minor cases na mapayagang makabili ng antibiotic muli na wala nang kinakailangang reseta pa. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

262

Related posts

Leave a Comment