‘GOLD LUCK’ SA UNANG ARAW NG 30TH SEA GAMES

SIDEBAR

“Gold luck” na matatawag ang paghakot ng medalyang ginto ng mga atletang Filipino sa unang araw ng 30th Southeast Asian Games na ginaganap ngayon sa Central Luzon, Metro Manila at Southern Tagalog hanggang sa Disyembre 11.

Umabot sa 22 ginto ang nasungkit ng ating mga atleta noong Linggo na siyang dami ng medalyang ginto na nakuha ng Filipinas noong 2017 sa Malaysia kung saan ginanap ang 29th SEA Games.

Dancesports ang pinakamaraming nakuhang ginto na umabot ng 10 sa pamamagitan ng Latin dancers na sina Wilbert Aunzo at Pearl Cañeda na nakasungkit ng tatlong gold medals gayundin ang standard performers na sina Sean Mischa Aranar at Ana Leonila Manalo Nualla na nakakuha rin ng tatlong ginto.

Nakapag-uwi naman ng tig-dalawang medalyang ginto sina Mark Jayson Gayon at Mary Joy Renigen at sina Michael Angelo Marquez at Stephanie Sabalo.

Gaya ng inasahan, dinomina ng mga Filipinong arnisador ang unang araw ng kompetisyon sa pamamagitan ng live stick event kung saan limang ginto ang nakuha ng ating mga manlalaro na sina Dexter Bolambao, Villardo Cunamay, Nino Mark Talledo, Mike Banares at Jezebel Morcillo.

Nakatulong nang malaki ang suportang ibinuhos sa Philippine Arnis Team ni Senador Miguel Zubiri na siyang presidente ng PEKAF o Philippine Eskrima Kali Arnis Federation na siyang tumatayong national sports association ng Arnis.

Nakapag-deliver din ng dalawang ginto ang mga manlalaro ng sepak takraw sa men’s hoops sa pamamagitan nina John Jeffrey Morcillos, John John Bobier at Metodio Suico Jr. at women’s hoops team na binubuo nina Deseree Autor, Josefina Maat at Sarah Jean Kalalo.

Nagpakitang gilas din sina triathlon athletes na sina John Rambo Chicano at Kim Mangrobang na kapwa nanalo ng gintong medalya samantalang mga Pinoy rin ang nakakuha ng silver.

Naka-ginto rin ang mga atleta ng Wushu na si Agatha Wong (Taolu event); Estie Gay Liwanen ng bagong SEAG sport na Kurash at si Jan Emmanuel Garcia ng Chess.

Bagama’t magastos ang maging host country ng SEA Games, malaking bentahe ito sa ating mga atleta dahil bukod sa may entry tayo sa 56 sports, mas mataas din ang moral at motibasyon ng ating mga manlalaro na manalo dahil sa suporta ng ating mga kababayan na tinatawag na “home court advantage”.

Siyempre, mas kailangan ng ating mga atleta ang todong suporta ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee na siyang mga pangunahing ahensya na namamahala sa ating national athletes. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

169

Related posts

Leave a Comment