HOLIDAY STRESS: PAANO MAIIWASAN?

Holiday stress

Dahil ilang araw na lamang ang bibilangin bago ang mismong araw ng Pasko, pihadong marami sa atin na sa ngayon pa lamang ay stressed na para sa paghahanda sa naturang okasyon.

Totoo, “It’s the most wonderful time of the year,” pero sa ganitong sitwasyon ay dapat na maging kalmado pa rin tayo.

HOLIDAY STRESS

Alam ninyo ba’ng sa ganitong panahon din ay marami talaga ang nagkakasakit dahil sa stress? At bakit ba tayo nakararanas ng stress?

Nagkakaroon ng stress dahil sa kawalan ng sapat na oras, pera o budget, at wala ring credit card.

Malaking pressure rin ang pagbibigay ng regalo dahil maliban sa perang involved dito ay todo-effort din tayo kung anong klase ang ibibigay na angkop sa requirement o sa gusto ng pagbibigyan nito.

MGA PARAAN PARA IWAS-HOLIDAY STRESS

Paano natin mababawasan ang mas pinangangambahang stress na ito?

BAWASAN ANG SOBRANG GASTOS. Dahil totoong hindi maiiwasang gumastos sa panahon ng holiday season, may paraan pa rin naman para malimitahan ang ating paggastos. Hindi pupuwede rito ang ubos-biyaya tapos bukas ay walang-wala. Tandaan natin na kung maubos ang pera natin ay mas magdadala lamang ito ng sakit ng ulo.

Huwag tayong magpaalipin sa mga on sale na produkto o services na kalimitang nagsusulputan during holiday season.

– Magkaroon ng budget. Dapat accounted ang lahat ng usual expenses at unahin ang mga ito. Tulad nito ay ang pag-una sa mga bayaring utility – kuryente, tubig at iba pa. Huwag ding kaligtaan ang budget sa edukasyon, pagkain at iba. Isunod na lamang na magkaroon ng budget sa pag-host ng party o pagbisita sa mga kapamilya o kakilala.

– Magkaroon ng one financial decision at a time. Hinay-hinay lamang sa pagdedesisyon at huwag pagsabay-sabayin ang mga ito. Kung may space sa pag-iisip ay hindi tayo maguguluhan o matataranta dahil kapag nangyari ito ay pihadong mapupunta lamang tayo sa overspending.

– Iwasan ang temptation. Huwag na huwag ma-hook sa mga bagay na gusto lamang natin. Siguraduhin ang bibilihin ay talagang kailangan sa panahon ngayon. May items na maaari ring kailangan natin pero makapaghihintay naman ito at maaari na lamang bilihin sa susunod na pagkakataon.

– Kung wala nang panahon ay maaari nang ikonsidera ang pagbigay na lamang ng pera o sapat na pera partikular sa mga inaaanak na bata. Hatiin ang budget kung marami ang inaanak. Dito kasi ay hindi na kailangan pang umikot sa mga tindahan.

I-MANAGE ANG EXPECTATIONS. May kanya-kanya tayong ideas para sa perfect holiday season, pero kapag nariyan na ang reality siguradong malapit tayo sa stress.

– Kailangang maging realistic. Kung may grand plans tayo dapat isipin din natin kung may sapat ba talaga tayong pera para rito. Halimbawa nito ay kung magho-host ng isang party, kailangan talaga rito ang budget. Iisipin din dito ang venue – na kung hindi sapat ito ay tiyak na kukuha ka ng mas malaking lugar at tiyak din na mas gagastos ka lalo na kung marami kang imbitado at kung gaano kahabang oras ang ilalaan dito.

– Idamay ang mga bata na maging realistic din. Natural na kapag may mga bata, ang iniisip ng mga ito ay kung ano ang kanilang mga gusto at kung ano ang mga mayroon sa kanilang mga kaibigang mga bata. Dito rin papasok ang pag-deliver sa kanila ng kanilang expectations at mabigyan sila ng regalo.

Kailangang ipaintindi sa bata kung ano lamang ang kanilang gusto at magagamit. Ipalista sa kanila ang kanilang mga gusto na kung tawagin ang wishlist. Dito ay papiliin lamang sila sa kung ano talaga ang dapat nilang kailangan at makuha.

Mahalagang maipaintindi sa mga bata na ang Pasko ay para sa pagsasama ng buong pamilya at iba pang malalapit sa atin at hindi ito tungkol sa regalo at paggastos lamang.

– Iwasan ang overindulging. Dahil holiday season, hindi naman natin kailangang magpakababad sa pagkain at pag-inom ng mga alcoholic drink. Pihadong napalilibutan tayo ng mga ito pero dapat nating iwasan. Kung may overeating at drinking siguradong mapapagastos tayo dahil maaari tayong ma-high blood o ang mas worse ay atakin sa puso o ma-stroke.

Kung naiiwasan pa natin ang ma-stress sa holiday season na ito ay hindi rin naman tayo mapapakain nang sobra. Marami rin kasing pag-aaral kung saan napatunayan na kapag stressed out ang isang tao ay mataas ang tendency niya na kumain nang marami. Ang bagay na ito ay dapat na maiwasan.

MAG-EXERCISE. Sa gitna ng Christmas season at kahit pa sabihin natin tayo ay sobrang abala, hindi natin dapat makaligtaan na mag-ehersisyo. Ito ang nagbabalanse sa tamang pangangatawan at isipan para maiwasan ang stress. Gawin pa rin ito kasama ang buong pamilya o mga kaibigan.

KAILANGANG MAGING MASAYA. Kahit pa sabihin nating abot-abot ang mga task ngayong panahon kailangan ma-target pa rin nating maging masaya tayo at ini-enjoy ang moment na ito. Gawin ito habang nagde-decorate ng bahay, nagbi-bake o nagluluto.

Nasa pag-aaral na sinasabing ang pagtawa o pagiging masaya ay nakatutulong para mabawasan kung hindi man mawala ang stress sa atin. Habang nag-eenjoy tayo ay nalalabanan natin ang stress.

Kung panay tayo tawa o may ngiting tunay sa ating mga labi ay tumataas lalo ang ating mood at nag-i-stimulate ito ng ating puso, baga at muscles at nagre-release ng endorphins. Napapagana rin nito nang maayos ang ating circulation at naiiwasan ang physical symptoms na associated ng stress.

 

182

Related posts

Leave a Comment