NAGBABAGANG SARAP SA CAMPFIRE SA KYUSI

CAMPFIRE

Maiba naman!

Iyan ang dalawang salita na binibigkas natin sa tuwing naghahanap tayo ng makakain at makakainan kaya’t susundan naman ito ng mga salitang, “Doon tayo sa bago.”

Campfire9Kamakailan lamang ay sinadya namin ang bago sa aming mga mata at sa aming panlasa, ang Campfire na isang burger restaurant.

Ito ay matatagpuan sa 23 Scout Limbaga St., Brgy. Laging Handa sa Quezon City.

Bukas ito mula alas-11 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi kaya talaga namang tinatambayan ng marami.

Homey ang feeling ng restaurant na ito dahil sa labas pa lamang ay iba na ang mood na maibibigay nito lalo na rin sa pagsapit ng dilim.

Iba rin naman ang itsura ng kainan nito na tila wala ka sa Maynila. Ang review ng mga regular na parokyano rito ay para kayong nasa Baguio o nasa Tagaytay.

Sa labas at loob nakapuwesto ang kanilang dining ­areas ngunit mas masarap kumain sa loob dahil sa interior design na naroon – akmang-akma sa Kapaskuhan.

Ipinagmamalaki ng restaurant na ito na freshly made araw-araw ang kanilang beef patties kaya naman ito rin ang nagiging dahilan para sila ay balik-balikan.

Bagama’t natatangi ang sarap ay mas naiiba rin ang burgers nila dahil may iba’t ibang bigat ito dahil sa timbang ng kanilang patties. Ito ay may bigat na 1/2 lb hanggang sa kanilang patty na may timbang na 1/4, 1/3 o 1 lb.

Campfire10Hindi rin naman maitatanggi na mura ang kanilang mga pagkain at sulit na sulit dahil sa laki, dami, at sarap ng kanilang mga inihahanda.

Sa bawat kagat, partikular sa kanilang burgers, ay maiiwan talaga ang lasa na tanging sa Campfire lamang malalasap. Panalung-panalo kasi rito ang kanilang Campfire burger sauce kaya naman halos lahat ng mga kumakain dito ay hindi na naglalagay o naghahanap pa ng ibang sauce tulad ng mustard, mayonnaise or ketchup. Kumukumpleto rin naman kasi sa sarap ng bawat burger nila ang mga fresh tomatoes, onion, lettuce at iba.

Masusulit din kayo sa masarap na lasa, at dami ng serving ng kanilang mga pasta na ayos na ayos din naman ang presyuhan.

Campfire11Ang choices ng kanilang pasta ay mula sa kanilang Classic Pesto, Herbed Chicken Pesto, Tuna Pesto, Mac n’ Cheese, Keema Spaghetti, Creamy Pesto, Alfredo, Chorizo at marami pang iba.

Choice rin ng customer dito ang iba’t ibang sarap ng kanilang rice meals mula sa Burger, Keema, Saucy Sausage, Camp Nuggets, Campfire, Chorizo Rice at iba pa.

Cute rin ang datingan ng mga crew dito sa Campfire dahil ang uniform nila na tila boys at girls scout lalo na sa suut-suot nilang mga neckerchief. At dahil ito ang tema ng kanilang kasuotan ay mabilis din naman silang kumilos kaya ang serbisyo nila ay walang paghihintay para sa mga customer.

Kapansin-pansin din sa kanila na talagang likas sila na magagalang. Naramdaman namin ito at ng iba pang customers na sa pagpasok pa lamang sa kanilang restaurant ay nakaalalay na sila. Gayundin sa mga may dalang mga sasakyan dahil nakaantabay sila hanggang sa maging maayos ang pagpa-park ng mga ito.

Ito lamang muna ang aming maibabahaging kuwento, kayo na ang bahala kung paano talaga kayo mabubusog at didighay nang totoo. (ANN ESTERNON)

313

Related posts

Leave a Comment