(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG maproteksyunan ang may 63 million bank depositors sa Pilipinas, iginiit ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na itaas na sa P1 Million ang insurance ng kanilang deposito.
Ginawa ni Makati Rep. Luis Campos Jr., ang nasabing panukala dahil pataas ng pataas ang idinedeposito ng mga Filipino matapos maitala ang P12.745 trillion na total deposits noong Dec. 31, 2018, o mas mataas ng 8.8% sa P11.710 trillion na nairekord ng Philippine Deposit Insurance Corp.,(PDIC) noong 2017.
Maliban dito, parami nang parami umano ang mga nagdedeposito sa mga bangko dahil umaabot ito sa 62.9 million ang account na naitala noong 2018 o 10.1% na pagtaas sa 57.1 million account noong 2017.
Gayunpaman, libu-libong depositor umano ang naapektuhan matapos bumagsak at nagsara may 41 bangko sa bansa na karamihan ay mga rural bank mula noong taong 2017.
Dahil dito, sinabi ng mambabatas na dapat umanong itaas na sa P1 Million ang maximum deposit insurance coverage (MDIC) mula sa kasalukuyang P500,000 lamang.
Maliban dito, 10 na taon na umano ang P500,000 na MDIC kaya dapat na aniyang amyendahan ito dahil habang tumatagal ay humihina umano ang value ng pera dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“We have to restore the full value of protection of the MDIC at today’s prices, if we want to encourage Filipinos to continue to keep their money in banks,” ani Campos sa kanyang House Bill (HB) 5812.
