(NI ABBY MENDOZA)
ISANG low pressure area ang namataan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na posibleng maging ika-21 bagyo na papasok ng bansa ngayong taon.
Ayon sa Pagasa kung hindi magbabago ang direksyon ng LPA ay maaaring maging ganap na bagyo na magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa sa araw ng Kapaskuhan.
Sa ngayon ang sama ng panahon ay namataan 2,000km sa Mindanao, maaari itong pumasok ng PAR sa Martes, o Christmas eve subalit sa darating na weekend pa lamang ay maaari na itong magdala ng mga pag-uulan sa malaking bahagi ng Mindanao at Visayas .
Sinabi ni Pagasa weather forecaster Sheila Reyes na malayo pa ang sama ng panahon kaya hindi pa madetermina ng Pagasa ang dala nitong lakas ng hangin at ulan.
Samantala isa pang shallow LPA ang namonitor ng Pagasa sa Mindanao ngunit hindi ito inaasahang lalakas pa at matutunaw din sa mga susunud na araw.
Umiiral ang Easterlies sa Eastern Visayas at Caraga na nagdadala ng pag uulan sa lugar habang asahan pa rin ang maaliwalas na panahon sa Luzon kabilang ang Metro Manila sa susunod na 24-oras.
566