(NI CHRISTIAN DALE)
PATULOY na naka-monitor sina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Senador Bong Go sa sitwasyon sa Davao del Sur matapos hagupitin ng malakas na lindol noong nakaraang linggo, Disyembre 15.
Ito’y dahil na rin sa nararanasang aftershocks makaraang maranasan ang malakas na 6.9-magnitude earthquake sa nasabing rehiyon.
Plano naman ng mga ito na muling bisitahin ang mga earthquake victims.
“Parating naka-monitor ang Pangulo dahil tuloy tuloy ang paglindol doon.Handa silang (national government agencies) makipag-coordinate sa mga LGUs doon,” ani Go.
Sa katunayan aniya ay naka-deploy na ang mga national government agency sa mga quake-hit areas.
Base sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council’s (NDRRMC), tinatayang alas-4:00 ng hapon ng Disyembre 18 ay may kabuuang 826 aftershocks ang naitala kung saan 86 rito ay naramdaman ng mga residente.
Naitala rin na may kabuuang 29,592 pamilya sa 105 barangay sa Davao region ang apektado kung saan ay may 3,076 pamilya naman ang kasalukuyang nasa temporary shelter sa 24 evacuation centers.
At sa naitalang casualty ay may 11 katao ang napaulat na namatay habang isa naman ang nawawala at 195 naman ang nasugatan.
May ilang daang gusali at imprastraktura naman ang nasira.
Kaya nga balak ni Go na muling bisitahin ang evacuation centers ngayong weekend at i- check ang situwasyon ng mga pamilyang naapektuhan ng malakas na lindol.
“Ako naman, plano kong pumunta doon pag-uwi ko sa weekend para bumisitang muli. Traumatized talaga ang mga bata doon. Plano ko sila ipasyal sa Davao para makalimutan ang traumang nangyari sa kanila,“ ani Go.
Sa kabilang dako, isinusulong naman ng senador ang pagtatatag ng “dedicated and enhanced department” na haharap sa disaster preparedness measures at polisiya ng bansa.
Aniya pa rin, noon pang Nobyembre naka-extend ang kanyang tanggapan sa pagsuporta sa mga biktima ng serye ng lindol sa North Cotabato at Davao del Sur gaya ng tents, food packs at iba pang other relief assistance.
Nag-alok din ng tulong si Go sa mga kabataan para makayanan ang trauma na dala at iniwan sa kanila ng malakas na lindol sa Davao City.
“Magdadala din ako ng kaunting tulong at pakinggan ang mga hinanaing nila. Gusto kong mag-iwan ng ngiti at saya sa mga kababayan kong apektado kahit alam kong nagdadalamhati sila at nahihirapan sa sitwasyon ngayon,” anito.
331