(NI BERNARD TAGUINOD)
BINAKBAKAN sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang opisyales ng Land Transportations Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos bawasan ang Angkas riders ng mahigit kalahati.
Tinawag ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na “Grinch” ang mga opisyales dahil 10,000 Angkas riders lamang ang pinayagang maghanapbuhay mula sa kasalukuyang 27,000.
“The Grinches in LTFRB just stole the cheers of Christmas from thousands of Angkas drivers who would be jobless come 2020,” ani Gaite.
Sinabi ng mambabatas na hindi lamang ang mga Angkas drivers na inalisan ng hanapbuhay ang pinahirapan ng LTFRB sa kanilang desisyon kundi ang mga commuters lalo na ngayon na patindi ng patindi ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Magugunita na nagkaroon ng 6 na buwang pilot run ng Angkas kung saan 27,000 ang bumibiyahe at nakatulong umano para makarating sa oras ang mga commuters sa kanilang destinasyon.
Natapos ang 6 na buwang pilot run ngayong buwan subalit 10,000 lamang ang pinayagang bumiyahe sa susunod na taon sa hanay ng Angkas at tig-10,000 naman sa mga baguhang Move It at Joyride.
Umaabot naman sa tig-3,000 ang pinayagan ng LTFRB mula sa nasabing grupo sa Metro Cebu kaya sa kabuuan ay 39,000 motorcycle taxis ang papayagang maghanapbuhay sa susunod na taon.
Ang Angkas drivers na aabot sa 17,000 ang bilang, ang nasagasaan sa desisyon ng LTFRB, ayon sa mambabatas.
147