Ginugunita ng buong bansa ang pagkamatay ng martir nating bayani, ang Filipino na itinuturing natin hanggang sa ngayon bilang pinakada¬kilang tao na siyang nagsabuhay ng tunay na patriyotismo at pagmamahal sa bayan.
Minsan na itong napag-usapan ng mga eksperto sa kasaysayan, maging mga itinuturing na pantas sa buhay at pagkatao ng Pambansang Bayani: kung si Gat. Jose Rizal ay buhay at nakakasalamuha natin ngayon, papaano kaya niya isinasabuhay ang kanyang mga turo sa gitna ng mga katotohanan ng kasalukuyang panahon?
Batay sa aking pagkakaalala sa aking mga napag-aralan at pagbabasa, ang bayani na kilala sa kanyang maraming abilidad at pagkadalubhasa sa kasaysayan, medisina, literatura at mga sining, kanya pa ring isusulong ang kritikal na pag-iisip sa mga bagay na bumabagabag sa pambansang kamalayan.
Kanya pa ring isusulong ang edukasyon at pagmamahal sa wika bilang pambansang prayoridad, kaiba sa pokus ng edukasyon sa kasalukuyan na nakatuon sa pagkakakitaan pagkatapos ng mahabang panahon sa elementarya, hayskul at pamantasan.
Bagama’t hindi nito kakaligtaan ang mga math, mga siyensya at ang mga sining, itutulak nito ang pagpapakadalubhasa at pagpapalaganap sa mga larangang ito gamit at tangan ang Filipino at ang wikang tinubuan.
Dahil sa kanyang mahabang karanasan sa pagpalag laban sa imperialismo ng mga naghaharing uri, itataguyod nito ang paglaganap ng kasarinlan ng mga lalawigan at nayon sa labas ng Kalakhang Maynila kung saan naroon ang sentro ng kapangyarihan.
Sa harap ng lumalawak na banta at usapin ng pananakop at neokolonyalismo, magtuturo pa rin sa kabataan si Jose Rizal at isisiksik sa kamalayan ng nakababatang Filipino na nasa kanila ang kapangyarihang itakda ang direksyon ng bansa.
Sa usapin ng makabagong teknolohiya at social media, mangunguna ito sa pagpapalaganap ng disiplina at pananaliksik upang tuklasin at gawing buhay ang katotohanan sa harap ng malawakang banta ng kapalaluan, maling balita at kasinungalingan.
At hindi ito mangingiming tumuklas ng naiiba at makabagong kaparaanan, sa polisiya at mga batas, upang tugunan ang pamamayagpag ng kamangmangan, pagsuko at pagbabagong dikta ng mga impluwensyang Kanluranin at dayuhan.
Sa mga kabataan ng Rizal at Pilipinas, huwag tayong tumigil sa pag-aaral at mga kaalamang ito. Isabuhay natin ang mga leksyon halaw sa buhay ng ating pambansang bayani. Sa pamamagitan ng ating indibidwal na buhay, bigyan natin ng dangal at saysay ang kasaysayan. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)
505