FOI EO NO. 2  PAHIRAP SA MEDIA

PUNA

HINDI maikakaila na pabor sa taumbayan ang Freedom of Information Executive Order (FOI – EO No. 2) na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Hulyo 23, 2016, ito ay kung susundin ng mga tauhan ng tanggapan ng pamahalaan ang kautusan.

Hanggang ngayon, maraming mga opisyal at tauhan ng gobyerno ang hindi umaayon sa ipinalabas na kautusan ng pangulo at marami sa kanila ang hindi batid ang kautusang ito.

Ipinalabas ni Duterte ang kautusan upang magkaroon ng transparency ang mga tanggapan bukod pa sa malaking tulong kung may alam ang mga mamamayan sa polisiya ng gobyerno.

Nakasaad sa Constitutional Rights  partikular sa Section 7 Article III na ang isang mamamayan ay may karapatan para sa impormasyon kaya’t hindi puwedeng ipagkaila kay Juan dela Cruz ang pagkuha ng mga detalye at imporma­syon sa isang tanggapan.

Hindi ba’t base sa kautusan, may kontrol sa lahat ng executive departments, bureaus at offices  na mandato nila na maipatupad ng maayos at tapat ang mga kautusan.

Kaya naman nangangahulugan ito na ang mga impormasyon kabilang ang records, documents, papers, reports, letters, contracts, minutes at transcripts ng official meetings, maps, books, photographs, data, reasearch materials, films, sound at video recording, magnetic o iba pang tapes, electronic, data, computer stored data at mga katulad nito ay posibleng makakuha ng kopya ang isang pangkaraniwang mamamayan.

Hindi lang ang mga impormasyon sa lokal na pamahalaan ang posibleng mahingi subalit mas higit ang Executive, Legislative at Judicial branches at ma­ging ang national government offices at kasama rin ang government owned and controlled corporations, state universities at colleges.

Subalit ngayon, para kaalaman ng marami, lalo na ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan, hindi basta-basta puwedeng makakuha ng imporma­syon sa pamahalaan dahil kailangang dumaan muna sa napakahabang proseso lalo na ang isang mamamahayag.

Kung miyembro ng media ay kailangang dumaan sa proseso, ano pa ang ordinaryong mamamayan? Sa mga tanggapan ngayon, hindi basta-basta nakakapasok ang mga mamamahayag kung wala rin lang appointment sa puno ng tanggapan. Kailangan may appointment.

May pagkakataon kasi na ang mga tanong ay hindi kayang sagutin ng mga hepe ng tanggapan. Dapat, bago naitalaga, kabisado nito ang manual of procedure ng kanilang tanggapan upang hindi na kailangan ang ayuda ng kanyang empleyado.

Ang totoo, ang FO1-EO No.2 ay pahirap sa mga mamamahayag, kumakain ito ng oras bago makagawa ng balita.

Hindi kailangan ng working media ang panis na balita.

oOo

Para sa reaksyon at suhestiyon mag-email joel2amongo@yahoo.com//operarioj45@gmail.com. (PUNA / Joel Amongo)

144

Related posts

Leave a Comment