Technohub employees, hindi apektado
(Ni: NELSON S. BADILLA)
MAGSISIMULA na ang imbestigasyon sa kontrata ng University of the Philippines – Diliman at Ayala Land Inc. (ALI) upang matukoy kung totoong naloko o hindi ang pamantasang pag-aari ng pamahalaan sa nasabing kontrata.
Ito ang tiniyak ni Presidential spokesperson Salvador Panelo matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang personal na kahilingan.
Inamin ni Panelo sa media na mismong siya ang humiling kay Duterte na imbestigahan ang 25-taong kontrata ng UP – Diliman at ALI na nagsimula noong 2008 (panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo).
“I told the President about this and ‘yung reaction ng Presidente ay tingnan natin kung totoo ‘yung alegasyon ng article na ‘yun,” kuwento ni Panelo sa press conference kung paano niyang nakumbinsi si Duterte na imbestigahan ang pinagdududahan niyang kontrata ng mga Ayala.
“Rekomendasyon ko [‘yan]. Sabi niya, kailangan talaga pag-aralan ‘yan,” diin ni Panelo.
Ayon sa tagapagsalita ng pangulo, ang tanggapan niya (presidential legal department) o ang Department of Justice (DOJ) ang magsasagawa ng imbestigasyon.
Ang layunin ng imbestigasyon ay kung totoong P22 kada kuwadro-metro ang renta ng ALI sa 37-ektaryang lupa (o 370,000 kuwadro-metro) bawat buwan o hindi.
Naniniwala si Panelo na kung totoong P22 lamang ang buwanang renta sa loob ng 25 taon ay talung-talo ang pamahalaan sa kontrata sa pagitan ng ALI at UP-Diliman.
Renta lang sa kontrata ang puntirya ng imbestigasyon at hindi ang mga nagtatrabaho sa UP Technohub, punto ni Panelo.
Ilang araw na ang nakalipas, ‘binaril’ ng mga Ayala ang pahayag ni Panelo dahil wala umano itong katotohanan.
Ayon sa ALI, P171 bawat kuwadro-metro ang kanilang upa sa UP.
Pagkatapos ng 25 taon, magiging pag-aari na ng UP- Diliman ang Ayala Technohub, kasama ang 16 na mga gusali. Matatapos ang kontrata sa 2033.
Kaugnay nito, pinawi ng Palasyo ang pangamba sa negosyo at mga negosyante ng pagrerebisa ng mga government contract para sa “onerous” provisions.
Sinabi ni Atty. Panelo na ginagalang ni Pangulong Duterte ang sanctity o kabanalan ng bawat kontrata hangga’t walang nalalabag na batas.
“Let me allay the fears of foreign investors as well as Filipino businessmen. You don’t have to worry about the review, kasi if there is nothing with your contracts, there is nothing to worry about. The President will certainly respect the sanctity of contracts except only when from the very provisions it appears to be contrary to law, contrary to public interest and public policy,” ayon kay Sec. Panelo.
Nauna rito, ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagrerebisa o muling pag-aaral sa mga kontratang pinasok ng pamahalaan sa pribadong sektor na itinuturing na disadvantageous sa gobyerno at sa mga Filipino.
Ang sinasabing “onerous” contracts na kasalukuyan nang sumasailalim sa masusing pagrerebisa ay ang concession agreement sa mga water concessionaire na Maynilad at Manila Water at sa Chevron Philippines, Inc. at ang hiniling ni Sec. Panelo na rebisahin ang lease agreement sa UP Ayala Land Technohub sa Quezon City. May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE
125