MATAPOS ng isinagawang joint coast guard exercises ng Japan, Estados Unidos at Pilipinas sa dagat na bahagi ng Kagoshima, Japan nitong nakalipas na linggo, dumaong naman sa Pilipinas ang dalawang Japanese destroyer ng Japan.
Dumating sa Pilipinas ang dalawang malaking war ship ng Japanese Maritime Self-Defense Forces na layuning mas palakasin pa ang regional security sa pamamagitan ng pagsasagawa na continuous joint exercises kasama ang Hukbong Dagat ng Pilipinas sa Indo-Pacific Region.
Kasama sa mga layunin nito na higit na mapalalim ang tactical capacities ng JMSDF at maging ang pagbuo ng tiwala sa mga bansang kanilang kasapi para sa suporta sa multilateral defense cooperation sa naturang rehiyon.
Kasalukuyang nakadaong ang dalawang Japanese destroyers sa Port Area, Manila, ang JS Ise (DDH-182), na isang Hyuga-class helicopter destroyer, at JS Suzunami (DD-114), na isa namang Takanami-class destroyer, para sa tatlong araw na port visit sa bansa.
Nagpapahiwatig ito ng pagpapalalim pa ng ugnayan sa pagitan ng naval forces ng Pilipinas at Japan kasunod ng pagratipika ng Reciprocal Access Agreement (RAA) ng dalawang magkaalyadong bansa na naglalayong palakasin pa ang kooperasyon nito sa mga kaalyado at partner na hukbong dagat sa rehiyon sa pamamagitan ng mga sanib-pwersang pagsasanay.
Sinalubong naman ng mga personnel ng Philippine Navy kasama ng Navy band, ang Japanese navies kahapon bandang alas-10:30 ng umaga.
Ayon kay Rear Adm. Natsui Takashi, commander ng Japanese Maritime Self-Defense Forces Escort Flotilla Fourm, ang port call ay nagpapakita sa commitment ng Japan para suportahan ang Pilipinas at iba pang like-minded nations sa pagpapanatili ng malaya at bukas na Indo-Pacific region.
Subalit mariing, nilinaw ni Adm. Takashi na ang deployment ng 2 Japanese destroyers ay walang pinatutungkulan o pinupuntiryang partikular na bansa at umaasang maging pagkakataon ito para maisulong ang bilateral defense cooperation and exchanges tungo sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific.
Nakatakdang magsagawa ng naval exercises ang Japan forces kasama ang Philippine Navy, para palakasin pa ang kanilang interoperability at ipinahiwatig ang pagsasagawa ng mas marami pang naval engagements kasama ang kanilang Philippine counterparts sa ilalim ng RAA.
(JESSE KABEL RUIZ)
