HINDI na hihintayin pa ng gobyerno ng Pilipinas ang magiging tugon ng Estados Unidos sa banta ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kakanselahin nito ang Visiting Forces Agreement (VFA) kung hindi itatama ang visa ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
Nitong Miyerkoles, Enero 22 ay kinumpirma ni Dela Rosa na kinansela ang kanyang US visa.
Ayon sa Pangulo, bibigyan lamang niya ang Amerika ng isang buwang palugit para itama ang hakbang ng pamahalaan nito na kanselahin ang US visa ng senador.
Subalit, sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na ipinag-utos na ni Pangulong Duterte ang pag-convene ng Presidential Commission on Visiting Forces (PCVF) kung saan si Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teddy Boy Locsin ang chairman habang si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang vice-chairman.
Kabilang din sa Commission ang National Security Adviser, ang executive director ng Presidential Commission on the VFA (VFACom) at kinatawan mula sa Office of the President at mula sa pribadong sektor.
Sinabi ni Sec. Panelo na sinabi sa kanya ni Sec. Locsin na sisimulan na nito ang pagproseso ng pagkansela sa VFA.
Nasabihan at nagka-usap na aniya sina Sec. Locsin at Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez sa bagay na ito.
PARA SA SOBERENYA
Suportado sa mababang kapulungan ng Kongreso ang plano ni Pangulong Duterte na pagkansela sa VFA pero hindi para ipaghiganti ng Pangulo ang pagkansela ng Amerika sa US Visa ni Sen. Ronald “Bato’ dela Rosa kundi para sa soberenya ng bansa.
Ito ang paglilinaw ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na agad nagpahayag ng kanyang pagpabor sa planong ito ni Duterte at iminungkahi nito na isama sa dapat aniyang ibasura ang Mutual Defense Treaty (MDT) at Enhanced Defence Coorperation Agreement (EDCA).
Ayon kay Zarate, nararapat lamang na ibasura na ang mga nabanggit na kasunduan dahil kuwestiyonable umano ang mga ito at labag sa pambansang soberenya dahil sa direktang pakikialam ng Amerika sa Pilipinas sa lahat ng bagay.
BAHALA ANG US
Dedma naman ang Department of National Defense kung handa ba ang Pilipinas na ibasura ang Visiting Forces Agreement dahil lamang sa kinanselang US visa ni Senador ‘Bato’ dela Rosa.
Una nang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorensana na pag-aaralan muna niya ang magiging epekto ng nasabing banta ng Pangulo.
Tumanggi ring magbigay ng kanyang panig si Lorenzana kaugnay sa banta ni Pangulong Duterte sa US government.
Anang kalihim, “the ball is in the US hand. Let’s see how they react to PRRD’s statement.”
Nauunawaan umano ng kalihim ang pinaghuhugutan ni Pangulong Duterte pero tumanggi itong magkomento kung makatwiran bang isakripisyo ang isang tratado kapalit ng visa ni Dela Rosa. (CHRISTIAN DALE, BERNARD TAGUINOD, JESSE KABEL)
204