ANG TOTOONG MALAYANG PAMAMAHAYAG

Badilla Ngayon

MATAGAL nang suliranin ang malayang pamamahayag sa bansa.

Panahon pa ng paghahari at kontrol ng imperyong Kastila sa Pilipinas mula Ika-16 na siglo hanggang Ika-19 na siglo ay isyu na ang malayang pamamahayag sa bansa.

Noong panahon ng Kastila, totoong walang malayang pamamahayag sa Pilipinas.

Isang kongkretong ha­limbawa rito ay ipinasara ng pamahalaang Kastila sa Pilipinas ang pahayagang Kalayaan ng K.K.K.

Hindi nagustuhan ng mga Kastila at pamunuan ng Simbahang Katoliko ang ­sobrang tapang at napakatalas na mga artikulo, tula at balitang inakda nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at Pio Valenzuela sa Kalayaan.

Hindi sila nakapaglabas ng ikalawang isyu ng Kalayaan.

Sa modernong kasaysayan ng Pilipinas, ang isang malinaw na halimbawa ng “pagpatay” sa malayang pamamahayag o press freedom ay noong si Joseph “Erap” Estrada ang nakaupong  pangulo ng bansa.

Nagalit si Estrada sa The Manila Times (TMT) dahil sa banner story at pangunahing litrato nito na mayroong pamagat na “­Unwitting Ninong.”

Tungkol ito sa pagiging “testigo” (ninong) ni Estrada sa pirmahan ng kontrata sa pagitan ng National Power Corporation at kumpanyang Argentina na IMPSA Asia Ltd.
Tapos ang litrato ni Estrada ay mayroong langaw sa kanyang ilong.

Ikinagalit nang husto ni Estrada ang banner story at ang nasabing litrato, ­sapagkat ipinunto ng istorya na masama ang kontrata ng pamahalaan sa IMPSA.

Dahil dito, nagpasya si Estrada na gipitin ang TMT, kasama na ang pagsasampa ng P101 milyong libelo, hanggang sa napilitang magsara ang The Manila Times.

Nagbukas muli ang TMT nang mabili ito ni dating Manila Rep. Mark Jimenez, espesyal na kaibigan ni Estrada.

Ang mga nabanggit kong pangyayari ay ilan lamang sa hindi maipagkakailang pagsupil sa totoong mala­yang pamamahayag.

Ang isyu tungkol sa ‘pagpapasara’ ng administrasyong Duterte sa ABS-CBN Corporation ay hindi tungkol sa malayang pamamahayag o press freedom.

Nag-ugat ito sa hindi paglalabas ng campaign ad nang noo’y kandidato sa pagkapangulo na si ­Rodrigo Duterte noong halalang 2016, samantalang bayad na raw siya sa ABS-CBN.

Tapos, sa panahon ng kampanya ay madalas ibalita ng ABS-CBN ang mga atake ni Senador Antonio Trillanes IV laban kay Duterte.

Patas ba ito?

Ngayong pangulo na si Duterte, wala namang inila­labas na balita o exposé ang ABS-CBN na wawasak nang todo-todo sa pagkatao ni Duterte.

Kahit nga panloloko at panggugulang ng kapwa kapitalista ng mga Lopez sa mga manggagawa ay hindi ibinabalita ng ABS-CBN.

Kaya, isang napakala­king panlilinlang sa publiko na igiit ng ABS-BN na hinggil sa malayang pamamahayag ang pagpapasara sa Kapamilya Network.

==

Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271

357

Related posts

Leave a Comment