POY ERRAM MASAMA ANG LOOB

Ayaw sa trade…

HINDI itinago ni Poy Erram ang saloobin hinggil sa epekto sa kanyang nakabinbing ‘trade deal’ ng NLEX.
Ayon kay Erram, hangga’t maaari ay ayaw niyang makaapekto sa kanya ang usapin.

“If ever na mangyayari, siyempre malungkot. Masaya ako sa NLEX e, masaya ako sa teammates ko, sa management, pero part ng trabaho ‘yun (trade),” pahayag ni Erram.

“Siguro in terms of system, ‘yun ang mahirap sa sitwasyon ko. Siyempre, ‘yung katawan ko, system pa rin ng NLEX, kasi nasa NLEX pa ako. Tapos may few days na hindi ako pinapalaro ni coach Yeng (Guiao), kasi nasa trading block ako, ‘yun ang mahirap, kasi palapit na ng palapit ‘yung season hindi ako nakakalaro, siyempre ‘yung pinapraktis ko hindi ko nagagamit, kasi hanging ako. Pero tuloy-tuloy pa rin ang conditioning ko,” mahabang paliwanag ni Erram nang humarap sa Inquirer Sports live interview kahapon.

Unang pumutok ang ‘trade issue’ kay Erram magdadalawang linggo na ngayon kung saan kasali ang NLEX, TNT at Blackwater teams.

Hanggang kahapon ay wala pang approval mula sa PBA trade committee, ito’y sa kabila ng ilang ulit nang binago ang komposisyon ng trade na magdadala kay Erram sa TNT.

Sinabi ni Erram, na hangga’t wala pang desisyon ay nakapokus muna siya sa Gilas Pilipinas.

“Hindi ko na muna iniisip na nasa trading block ako kasi kung mangyayari ‘yun, mangyayari e. So, for me, ‘yung mga kaya ko na munang ikontrol ‘yun ang kinokontrol ko,” aniya.

“Sa praktis, hangga’t nasa NLEX ako, praktis muna ako sa NLEX, ayoko namang maging di fair sa kanila, alam ko nasa trading block ako tapos pupunta ako sa ibang team, panget naman ‘yun, kasi ‘yung papel ko nasa kanila, yung kontrata ko nasa NLEX pa.”

Ayon kay Erram, malaki ang naitutulong ng kanyang pamilya para hindi siya masyadong mag-isip tungkol sa trade issue.

“Pag nakikita ko ‘yung baby ko, nawawala ‘yung mga iniisip ko. Sa bahay, di namin masyado pinag-uusapan ang basketball, ayoko nga hawakan ang phone ko, gusto ko sa bahay, pamilya ko lang ang pokus ko,” wika pa ni Erram. (VT ROMANO)

225

Related posts

Leave a Comment