IGINIIT ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na kailangang mapanatili ang integridad ng impeachment court kasabay ng kanyang pagkuwestiyon sa timing ng pag-anunsyo ng National Bureau of Investigation ng imbestigasyon kaugnay ng 2019 Southeast Asian Games.
Ang pahayag ni Cayetano ay kasunod ng sinabi ni Senator-Judge Robinhood Padilla na nakapagdududa ang timing ng anunsyo ng NBI, ilang araw matapos kuwestiyunin ni Cayetano ang kahilingan ni NBI Director Melvin Matibag na ilipat sa mas maagang petsa ang kanyang pagtestigo sa impeachment trial dahil sa isang seminar sa ibang bansa.
Sinabi ni Cayetano na malaya ang NBI na magsagawa ng anomang imbestigasyon ngunit dapat tiyakin ng mga opisyal ng gobyerno na hindi makaaapekto ang kanilang mga kilos sa kredibilidad ng impeachment proceedings.
Ayon kay Cayetano, wala siyang tutol sa anumang imbestigasyon at ilang beses na ring naimbestigahan ang SEA Games, kabilang ang isinagawang pagsisiyasat ng Office of the Ombudsman kung saan personal siyang humarap upang sagutin ang mga tanong.
Tinawag niya na isang “misfire” ang anunsyo ng NBI dahil iniuugnay umano siya nito sa mga infrastructure project na hindi naman saklaw ng kanyang tungkulin bilang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).
Ipinaliwanag ni Cayetano na ang mga proyektong binanggit ng NBI ay pinangasiwaan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at hindi ng PHISGOC.
Nilinaw din niya na ang kawalan ng public bidding ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng iregularidad dahil pinapayagan ng batas ang iba pang paraan ng procurement.
Ipinagtanggol din ni Cayetano ang pagho-host ng Pilipinas sa 2019 SEA Games na aniya’y nagbigay ng karangalan sa bansa at naging mahalagang yugto sa tagumpay ng maraming atletang Pilipino.
Binigyang-diin din ni Cayetano na hindi personal ang kanyang mga naunang pahayag laban kay Matibag at ipagpapatuloy niya ang pagtupad sa kanyang tungkulin bilang senator-judge anuman ang sitwasyon.
Muli niyang iginiit na bagama’t malaya ang NBI na magsagawa ng imbestigasyon, dapat nitong iwasan ang anumang hakbang na maaaring makasira sa kredibilidad ng impeachment court.
78 