P.8-M PEKENG ALCOHOL NAKUMPISKA

UMAABOT sa P800,000 halaga ng pekeng isopropyl alcohol products ang nakumpiska at tatlong manggagawa nito ang nadakip ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Caloocan City.

Kinilala ang mga dinakip na sina Bea Angela Acosta y Macaya, 21, administrative assistant, ng Lucas Quadra St., Sta. Quiteria, Caloocan City; Ronnel Almojuela y Pasgala, 24, trabahador, ng #6175 Mercado St., Brgy. Gen T. De Leon, Valenzuela City, at Christian Roa y Capistrano, 27, trabahador, ng San Gregoria, Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

Ayon sa pulisya, nag-ugat ang operasyon makaraang may magsumbong sa Northern Police District (NPD) noong Abril 4 hinggil sa ilegal na paggawa at pagbebenta ng isopropyl alcohol sa #314 – 315, Quadra St., Brgy. 163, Sta. Quiteria, Caloocan City.

Dagling nagsagawa ng beripikasyon ang mga parak at nakipagtransaksyon sa pamamagitan ng Facebook, at nakabili ng isopropyl alcohol.

Isinumite ang nasabing produkto sa Food and Drug Administration (FDA) para sa laboratory test at beripiskasyon para sa existing registration o authority to manufacture and sell.

Lumabas sa pagsusuri ng FDA na hindi pumasa ang kalidad ng produkto at hindi lisensyado ang mga gumagawa, ayon sa inilabas na certification and laboratory test result noong Abril 15, 2020 mula sa FDA.

Bunsod nito, nakipag-ugnayan ang pulisya sa mga ahensya ng pamahalaan at isinagawa ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek. (ALAIN AJERO)

285

Related posts

Leave a Comment