TUMILAPON ng ilang metro ang layo at nabagok ang ulo ng isang 54-anyos na doktora makaraang sumalpok sa truck habang lulan ng bisekleta sa Pandacan, Manila, iniulat ng pulisya.
Namatay habang inoobserbahan sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Dr. Ma. Teresa Dajao y Ballat, may asawa, ng #2184-D Saint Louie Compound, Balagtas St., Pandacan.
Samantala, kusang-loob namang sumuko sa pulisya ang suspek na si Jeffrey Macayon y Domingo, 36-anyos, may asawa, truck driver, residente ng #040 Bongabon, Sampalucan, Nueva Ecija.
Batay sa ulat ng Manila Police Traffic Enforcement Unit, bandang alas-4:20 ng hapon noong Abril 15 nang mangyari ang insidente sa panulukan ng Pres. Quirino Avenue at West Zamora St. sakop ng Pandacan.
Nabatid sa report ng pulisya, tinatahak ng doktora ang kahabaan ng Pres. Quirino Avenue sa Northbound lane at nasa bandang likuran siya ng truck na minamaneho ni Macayon.
Pagsapit sa nasabing lugar, tumama ang unahang bahagi ng bisekleta sa likuran ng truck naging dahilan upang tumilapon ng ilang metro ang doktora na ikinabagok ng ulo nito.
Ilang tambay sa lugar ang nagtulong-tulong na maisugod sa pagamutan ang biktima ngunit pasado alas-7:00 ng gabi ay binawian ng buhay.
Napag-alaman, si Dajao umano ay frontliner ng isang ospital.
Nahaharap ang driver ng truck ng kasong reckless imprudence resulting in homicide. (RENE CRISOSTOMO)
193 