TRANSPARENCY’ SA SAP NARARAPAT LANG

DPA

MABUTI naisip ng mga nasa itaas na obligahin ang barangay officials lalo na ang mga Kapitan del Baryo na isapubliko ang pangalan ng beneficiaries ng Social Amelioration Program (SAP).

Nararapat lamang na maisapubliko ang   beneficiaries ng SAP sa bawat barangay upang malaman kung sino ang pinaboran at sino ang initsa-puwera nila sa tulong na ito ng national government.

Hindi lahat ng mga tao sa barangay ay makakatanggap ng tulong pinansyal dahil limitado raw ang pondo kaya kailangang malaman kung sino ang mga nakatatanggap at sino ang hindi.

Tulad ng direktiba sa mga barangay chairman, kailangang ipaskel sa barangay halls, sa mga palengke, sa munisipyo, sa mga lugar na puntahan ng mga tao para malaman kung totoo ba ang listahan o hindi kasi baka may mga ilalabas ang pangalan na hindi naman pala nakatanggap ng tulong pinansyal at kapag nangyari ‘yan, puwedeng magreklamo ang mga ‘naisahan’ na constituent.

Sa mga nakaraang ayuda ng national government tulad ng mga Department of Agriculture (DA) tulad ng binhi at abono, maraming magsasaka ang hindi nakakatanggap pero ang mga kaalyado ng kapitan at mga konsehal niya, hindi nawawalan.

Hindi natin maiiwasang isipin na baka ang mga initsa-puwera ay isinama sa  beneficiaries kapag nag-audit na ang gobyerno pero hindi makapagreklamo dahil wala silang ebidensya dahil hindi inilalabas ang listahan.

Pero dito sa SAP, maaari nang malaman ng mga tao kung nasa listahan ba sila pero hindi sila nakatanggap ng tulong. Magkakaalaman na kung baga kaya wala ng lusot ang mga gagawa ng anomalya.

Sana ganito din ang ipatupad kapag naghatid ng tulong ang  gobyerno sa mga tao kapag panahon ng kalamidad tulad ng bagyo para magkaroon talaga ng transparency.

Isa sa mga kasama namin sa bahay ang nagsabi sa akin na noong panahon daw ng bagyo sa kanilang lugar, maraming nasirang bahay at nagbigay ng ayudang pinansyal ang gobyerno.

Pero nakihati daw ang kanilang barangay chairman sa pera na ibinigay ng gobyerno sa mga nasiraan ng bahay dahil kung hindi raw niya kinunan ng picture ang nasirang bahay ng kaniyang constituent at ibinigay sa kinauukulan ay hindi sila makakatanggap ng tulong.

Dahil hindi edukado, walang alam sa sistema ng gobyerno at takot marahil sa kapitan nila, sumang-ayon na lang ang pobreng mamamayan kaya walang matanggap  kahit isang kusing.

Mantakin mo, utang na loob pa ng biktima ng kalamidad sa kanilang kapitan na sila ay nakasama sa beneficiaries gayung responsibilidad ng mga opisyal na tulungan at proteksyunan ang kanilang mga constituent?

Hindi ko na sasabihin kung saang lugar yan nangyari pero dapat bantayan ang  barangay officials na laging pinagsasamantalahan ang kanilang mga constituent sa panahon ng kalamidad lalo na sa mga malalayong probinsya na hindi natututukan ng media.

227

Related posts

Leave a Comment