DILG: Barangay officials, mananagot PADDING SA SAP BENEFICIARIES HIHIMAYIN

TINIYAK ng Department of Interior and Local Government (DILG) na masusi nilang iimbestigahan ang mga nakalap na ulat hinggil sa padding at mga kuwestyonableng listahan ng mga recipient ng social amelioration program ng gobyerno.

Ito ay kasunod ng mga reklamo na may mga barangay chairman ang nagpapatong sa listahan ng kanilang beneficiaries at umiiral ang favoritism sa mga dapat makatanggap ng ayuda ng pamahalaan.

Kamakailan ay lumutang ang mga balita hinggil sa pagkakasama umano ng asawa at mga kaanak ng ilang barangay official sa mga makatatanggap ng tulong mula sa SAP.

Ayon sa DILG-12, biniberipika na nila ang pagkakasali umano ng misis at dalawang kapatid ng isang barangay kapitan sa listahan ng mga makatatanggap ng naturang benepisyo mula sa DSWD.

Ayon kay DILG-12 information officer in charge Arthur Condes, may pananagutan ang sinomang barangay official na kasama ang pangalan ng kanyang mga kaanak sa mga benipisaryo ng SAP.

Maaari rin umanong masampahan ng kaso ang mga barangay official na lalabag dito.

Nabatid na sa lungsod ng Maynila ay may isang barangay chairman ang nabisto sa pagpa-padding ng listahan ng mga pamilyang naninirahan sa kanilang nasasakupan para sa ipamimigay na food packs ng pamahalaang lungsod. JESSE KABEL

256

Related posts

Leave a Comment