TINIYAK kahapon ng tagapagsalita ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na 3,000 persons deprived of liberty (PDLs) ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang makalalaya dulot ng bagong desisyon ng Korte Suprema na bawasan ang taon ng pagkakakulong ng mga taong nakagawa ng krimeng mayroong parusang mababa sa anim na buwan hanggang 20 taon.
Ayon kay Undersecretary Jonathan Malaya, aantayin na lang ng pamunuan ng BJMP ang “release order” ng mga lokal na korte kung saan nag-aplay ng maagang paglaya ang 3,000 PDLs ng BJMP mula sa iba’t ibang rehiyon.
“Kung anoman ang ipag-uutos sa amin ng korte at meron nang court orders para dito, ‘yun naman po ang aming susundin,” wika ni Malaya.
Sabi naman ni DILG Secretary Eduardo Año, “Malaking tulong ito sa ating mahihirap at matatandang nakapiit sa ating mga pasilidad na mabigyan sila ng pagkakataong makapiling muli ang kanilang mga mahal sa buhay. Malaking ginhawa rin ito sa ating mga tauhan sa BJMP dahil mababawasan ang kanilang mga alalahanin sa gitna ng banta ng COVID-19.”
Batay sa Administrative Circular 39-2020 ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta, babawasan ang piyansa o bilang ng pagkakakulong ng mga PDL na ang nagawang krimen ay mayroong parusang mas mababa sa anim na buwan hanggang 12-taon hanggang 20-taon upang makalaya sila sa pinakamabilis na panahon.
Ang layunin ng mataas na korte sa pagbabago ng batayan ng pagkakakulong ay upang mabawasan ang napakaraming bilang ng PDLs sa lahat ng bilangguan ng BJMP at Bureau of Correction (BuCor) ngayong pinapasok na rin ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) ang mga kulungan.
Madaling makahawa at nakamamatay ang COVID-19 kapag hindi naagapan at nasolusyunan, ayon sa Department of Health (DOH).
Ilang araw ang nakalipas, inamin ng pinuno ng BJMP na si Allan Iral sa House Defeat COVID-19 Committee na 195 PDLs ang tinamaan ng COVID-19 at 33 jail officers (JOs).
Napabalita ring mayroong PDLs sa New Bilibid Prison (NBP) ang nagkaroon ng COVID-19. NELSON S. BADILLA
171
