UNANG COVID POSITIVE SA STA. MARIA, LAGUNA, PINAGLAMAYAN PA

DAHIL hindi agad natukoy ang resulta ng test na isinagawa sa isang nasawing pasyente sa Sta. Maria, Laguna, nailibing na ito bago nalaman na positibo siya sa COVID-19.

Ang nasawing babae na edad 24 at taga-Brgy. Adia sa nasabing bayan ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa Sta. Maria.

Unang itong dinala sa Sinoloan Pioneer General Hospital dahil sa sakit na Auto-Immune Encephalitis. Isa itong kondisyon na kung saan inaatake ang sariling immune system ng malulusog na cells ng utak na nagiging sanhi ng pamamaga nito at panghihina ng resistensya.

Agad itong inilipat sa Global Care Medical Center at nagnegatibo sa isinagawang Covid test. Kalaunan ay dinala naman ito sa East Avenue Medical Center at doon binawian ng buhay.

Sa Post Mortem Test ay nagpositibo ito sa COVID-19 ngunit lumabas lang ang resulta noong May 13 at hindi agad naipaalam sa kanyang pamilya.

Naiburol sa kanilang lugar ang pasyente at nakiramay ang ilang kaanak at kaibigan.

Dahil dito, nananawagan si Mayor Cindy Carolino na mag-home quarantine ang lahat ng pumunta sa burol ng nasabing babae. Agad namang kinunan ng sample ang mga kaanak ng nasawi upang malaman kung ligtas sila sa corona virus.

Smantala, naka-full lockdown na ang nasabing barangay at nagsagawa na ng Intensive Disinfection sa lugar. CYRILL QUILO

314

Related posts

Leave a Comment