DIGOS CITY NAGTALA NG 2ND COVID CASE

DIGOS City – Isang 29-anyos na lalaki ang iniulat ng City Health Office (CHO) nitong lungsod bilang pangalawang kaso sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) noong Martes, Mayo 26.

Ibinunyag ni Dr. Ronald Jumilla, city health officer 1, lumabas na ang resulta ng reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test sa pasyenteng asymptomatic at nasa isolation facility na ng isang ospital sa lungsod.

Agad kumilos ang lokal na pamahalaan upang magsagawa ng contact tracing sa mga nakalapit sa pasyente, pati na ang pamilya nito.

Napag-alaman, nagtatrabaho bilang medical personnel sa laboratoryo ng Davao del Sur Provincial Hospital ang pasyente at bumiyahe sa Davao City.

Matatandaang isang 38-anyos na lalaki ang unang naitala na nag-positibo sa COVID-19 noong Marso.

Ang nasabing pasyente ay isa sa mga taong pumunta sa sabungan sa lungsod ng Davao mula Marso 6 hanggang Mayo13, ngunit nakarekober matapos ipasok sa isolation facility ng Southern Philippine Medical Center (SPMC) sa nasabing lungsod.

Muli namang pinaalalahanan ni Mayor Josef Cagas ang publiko na sumunod sa inilabas na Executive Order number 31, partikular ang pagsusuot ng facemask, pag-obserba sa 1.5-meter social distancing, proper hygiene at stay at home policy.

Inanyayahan din ng alkalde ang publiko na magdasal upang hindi na lumaganap sa lungsod ang virus. (DONDON DINOY)

162

Related posts

Leave a Comment