HABANG abalang-abala ang Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para sa pagpapauwi ng stranded overseas Filipino workers (OFWs), mayroon namang mga locally stranded individuals (LSI) na humihingi rin ng pansin at tulong.
Sila ang mga aplikante patungong ibang bansa na kasalukuyan nakaistambay sa mga accommodation ng mga Philippine Recruitment Agencies (PRA) dahil hindi natuloy ang pagproseso ng kanilang pag-alis sa bansa bunga ng enhanced community quarantine (ECQ).
Sa dokumento na aking nakalap, umaabot sa 4,935 ang kabuuang bilang ng mga stranded na aplikante kung saan 1,016 sa mga ito ay nakatapos nang magproseso ng kanilang dokumento at handa nang umalis sa bansa. Samantala ang 3,917 ay mga na-aayos pa lamang ng kanilang dokumento nang abutan ng lockdown.
Ngunit sa naganap na ‘webinar meeting’ kasama si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa ay nabangit ng pangulo ng Coalition on Landbase Agency for Domestic Helpers & Skilled (CLADS) na si Lucy Sermonia, umaabot na ito ngayon sa halos 7,000 stranded applicants na kasalukuyang inaaruga ng mga ahensya.
Isa nga sa may-ari ng ahensya ang aking nakapanayam na nagsabi na talagang hindi na nila kakayaning gastusan ang araw-araw na pagkain, hygiene kits at lalo na ang pamasahe ng kanilang mga aplikante dahil sa kakulangan ng pondo.
Karamihan nga umano sa mga ahensya ay nagbawas na rin ng kanilang empleyado upang mabawasan na ang kanilang buwanang gastusin.
Bagaman may ilan bansa sa Asia ang pinapayagan na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na makapagpapunta ng mga OFW, ngunit karamihan sa mga PRA ay mga taga-Middle East ang kliyente na apektado naman ng deployment lockdown.
Dahil dito, ilan sa may-ari ng ahensya ay nakikiusap sa IATF na tulungan sila na mapauwi ang kanilang mga aplikante sa kani-kanilang probinsiya.
Nabangit din naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na maaring gamitin ang mga sasakyan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) lalo na ang C-130 ng Philippine Air Force (PAF) na maaring magsakay ng pasahero.
Nakikiusap din sa Philippine Coast Guard (PCG) ang mga nasabing may-ari ng ahensya na kung may bakanteng upuan pa para sa mga barko pauwi ng probinsiya ay ikonsidera rin namang maisakay ang kanilang mga aplikante na LSI.
Samantala, aking personal na inaasikaso ang alok ng isang international non-government organization na nakabase sa bansang France para sa pagpapadala ng dalawang eroplano na maaring magsagawa ng mercy flight o libreng sakay para sa mga stranded na mga aplikante at OFWs.
Ang nasabing orga-nisasyon ay nakarehistro sa United Nations (UN). Bukod sa pagbibigay ng libreng sakay sa eroplano ay kanila ring inaalok ang pagbibigay ng 2 milyong rapid test kits at monitoring bracelets.
Nakatakda ang video meeting kasama si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III sa susunod na linggo upang maplantsa ang posibleng pagtanggap ng alok na ito mula sa non-government organization.
