HINDI patas kung aatasan ang pribadong negosyante na umaahon pa lamang mula sa pandemya na magtalaga ng shuttle service para sa kani-kanilang mga empleyado.
Ito ang dahilan kaya nanawagan si Senador Ramon Revilla Jr. sa Inter-Agency Task Force (IATF) na agad repasuhin ang public transport policy dahil sa kakulangan ng ligtas na pampublikong sasakyan na maaaring magresulta sa pagkalat ng COVID-19 sa halip na ito ay mapigilan.
Ayon sa senador, dahil ang buong bansa ay lumipat na sa General Community Quarantine (GCQ) noong nakaraang Lunes (Hunyo 1), nahaharap sa mabigat na pagsubok ang mga manggagawa sa pagtungo sa kani-kanilang trabaho dahil sa kakulangan ng sapat na pampublikong sasakyan.
Aniya, halos lahat ng mananakay na obligadong pumasok sa trabaho ay naaabala sa paghihintay ng mahigit anim na oras, ang iba ay naglalakad ng mahigit sa 40 kilometro at may mga umuwi na lamang dahil sa paghihintay nang buong araw at paglalakad.
Sa ilalim ng GCQ, ang bus at jeepney ay hindi pinapayagang mamasada, habang ang train, LRT at MRT ay nasa 13 porsiyento lamang ang kapasidad ng operasyon na nagresulta sa napakahabang pila.
“‘Yung dami ng mga pasahero sa kalye na tumpok-tumpok at sama-samang naghihintay ng masasakyan, counterproductive yan at magiging dahilan pa ng pagkalat ng sakit,” saad ni Revilla.
Ayon pa kay Revilla, 85 porsiyento ng negosyo sa ating bansa ay MSMEs (Micro, Small, and Medium Enterprises) na walang kakayahang maglabas ng malaking kapital na gugugulin dahil sa ECQ.
“Ang isang shuttle van na magko-comply sa social distancing, mga pito ang maisasakay, halos two million pesos ang isa, Hindi kaya ng mga nagre-recover na businesses ‘yang ganyang kalaking gastos at this time.” dagdag pa ni Revilla. NOEL ABUEL
