ANG pagkakaalam ko, taun – taon humihiling ang mga pribadong unibersidad at kolehiyo na itaas ang kanilang matrikula na madalas namang .inaaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED).
Bago magkaroon ng iba’t ibang itsura ng ‘community quarantine’ (CQ) sa iba’t ibang panig ng bansa dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), napakaraming unibersidad at kolehiyo ang humiling sa CHED na itaas ang kanilang matrikula ngayong pasukan.
Sa Agosto ay simula na ang pasukan ng mga unibersidad at kolehiyo na pasado na sa CHED ang mga alituntuning magbibigay ng maksimum na proteksyon at kaligtasan sa kanilang mga mag-aaral.
Ngunit, mayroong panawagan si Senador Sherwin “Win” Gatchalian sa mga may-ari at namamahala ng mga pribadong unibersidad at kolehiyo na huwag muna nilang itaas ang matrikula ngayong pasukan, sapagkat napakalaking bilang ng mga magulang ang walang natanggap na sahod mula sa kanilang mga kumpanya dahil sa lockdown ng pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na: “With the number of jobless Filipinos soaring to a record high of 7.3 million amid the [COVID-19] pandemic, … raising tuition would burden struggling families and aggravate the number of dropouts.”
Idiniin ni Gatchalian na: “This is not the time to overburden our parents with high tuition lalo na ngayong panahong marami silang binabayaran. Hindi ngayon ang tamang panahon para d’yan.”
“Ang pagpapaliban sa pagtaas ng matrikula ay isang paraan upang matulungan natin ang mga pamilyang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa pandemya,” patuloy ng senador.
Sobra naman kung hindi maganap, samantalang napakagaan nang panawagan ni Gatchalian sa mga nagmamay-ari at namamahala ng mga paaralan sa kolehiyo: Ipagpaliban ang pagtaas ng matrikula.
Ibig sabihin, pabor si Gatchalian na tumaas ang matrikula, ngunit huwag sa panahong ito.
Hindi man ako senador, kongresista, o sikat na tao, posisyon at panawagan ko na huwag itaas ang matrikula kahit ngayon lamang na napakatindi ng negatibong epekto ng ‘virus’ na pumasok sa ating bansa.
Kapag ginawa ito ng mga kapitalistang edukador, napakalaking tulong ito sa napakaraming magulang, kabilang na ako na may mga anak pang nag-aaral sa kolehiyo.
Syempre, hindi ito malaking kabawasan sa kabang-yaman ng mga may-ari ng mga pribadong paaralan o ng mga kapitalistang edukador, lalo na doon sa mga pangkat ng relihiyosong tao na beterano na sa pagnenegosyo ng paaralan.
Kahit, ngayon lamang na panahong napakatindi ng epekto ng COVID-19 sa mga magulang ng kani-kanilang mga estudyante ay pumayag ang mga kapitalistang edukador na huwag munang itaas ang matrikula.
Napakalaki na ng kanilang kinita sa napakahabang panahon.
Napakatagal na nilang nagpasasa sa napakaraming pera kaya marapat lamang na lumambot ang kanilang mga puso sa pagkakataong ito.
Nakatitiyak ako na kapag hindi itinaas ang matrikula ngayong semestre ay hinding – hindi mababawasan ang kita ng mga nagmamay – ari ng mga pribadong unibersidad at kolehiyo.
Hindi kailangang gamiting rason ng mga kapitalistang edukador na kailangan nilang itaas ang matrikula upang mapasahod at mabigyan ng kaukulang benepisyo ang kanilang mga guro at empleyado.
Kahit hindi magtaas ng matrikula, sigurado akong kaya pa ring pasahurin at mabigyan ng mga kaukulang benepisyaryo ang mga guro, sapagkat napakalaki pa rin ang papasok na pera sa mga unibersidad at kolehiyo.
Kaugnay naman sa sahod at benepisyo ng mga guro, ang sabi ni Sen. Gatchalian ay siguradong kasama na ang mga guro sa pribadong paaralan sa Social Amelioration Program (SAP) ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan Act 2.
Ibig sabihin, kapag naging batas ito ay tiyak na makatatanggap din ang mga guro sa pribadong paaralan ng ayudang – pinansiyal mula sa administrasyong Duterte.
“Bayanihan 2.0 has a provision for a one-time cash assistance to affected teaching and non-teaching personnel in private basic and tertiary education institutions, as well as part-time faculty in state universities and colleges,” diin ni Gatchalian.
“The proposed measure also mandates government financial institutions to have a loan program that will help education institutions implement blended learning. A condition for this loan is the non-implementation of tuition and other fees’ increase,” patuloy ng mambabatas mula sa Lungsod ng Valenzuela.
Matagal din aking naging guro sa kolehiyo kaya alam na alam ko ang eksaktong kalagayan at suliranin ng mga instraktor at propeso
Kaya, kakampi ako ang mga guro.
Syempre, kakampi ko rin ang mga magulang, sapagkat magulang din ako na nagpapaaral ng mga anak sa kolehiyo.
