BILANG NG BANGKAY NG MGA BAGONG BAYANI, NALANTAD NA

NALANTAD na rin sa wakas ang bilang ng mga bangkay ng mga OFW sa Saudi Arabia. Ito’y matapos i-anunsiyo ni Ambassador Adnan Alonto ng Embahada ng Pilipinas ang tagubilin ng ­gobyerno ng Saudi Arabia na kailangan na maiuwi ang mga bankay ng mga OFW sa loob ng 72 oras.

Sa unang ulat na ipinalabas ni Department of Labor Secretary Silvestre Bello III, umaabot lamang sa 282 ang bilang ng bangkay ng OFW at 50 dito ay dahil sa COVID-19 virus. Samantala sa pahayag naman ni Ambassador Alonto, umaabot pala sa 350 ang bilang ng bangkay ng OFW at 107 sa mga ito ay namatay dahil sa ­COVID-19 virus.

Kabilang sa mga mapapauwing bangkay sa susunod na lingo ay namatay ng dahil sa aksidente, karamdaman, nagpatiwakal at iba pang dahilan na may kaugnayan sa ­krimen. ­Samantala ang mga namatay ng dahil sa COVID-19 virus ay ilili­bing sa Saudi Arabia upang maiwasan na rin kumalat ang virus at ayon na rin sa patakaran ng bansang Saudi Arabia

Lubhang nakakalungkot na malaman ang ganitong balita na napakarami na palang mga OFW ang namatay sa Saudi Arabia. Ngunit kahit minsan yata ay hindi nagkaroon ng mainit na panawagan para sa pagpapahinto ng pagpapadala ng mga OFW sa bansang ito.

Naikumpara ko tuloy ang mga pangyayari sa bansang Kuwait na kung saan ay nuong napatay si Jeanely Villavende nuong Disyember 2019, ay agad na nagdeklara ang a­ting gobyerno ng deployment ban matapos na ­sabay-sabay na mag-ingay sa social media ang mga OFW habang sa Saudi Arabia naman ay daan-daang OFW na pala ang namatay ngunit hindi nagkaroon ng ganitong deklarasyon.

Ngayon ay lalong magiging malinaw para sa mga OFW ang kahalagahan ng social media upang maipaalam sa ating ­gobyerno kung may mga OFW na namamatay sa ibayong dagat upang masiguro na may tamang aksyon na ipapatupad ang gobyerno ng Pilipinas.

Maaring may malaking pagkakaiba sa patakaran ng gobyerno ng Kuwait at Saudi Arabia, dahil balitang-balita na sadyang napakahigpit ng nasabing bansa sa pagmomonitor ng mga lumalabas sa mga social media lalo na kung mababahiran nito ang ­dignidad ng employer at ang reputasyon ng buong kaharian ng Saudi Arabia.

Ngunit dapat na ­maging bukas o trans­parent ang a­ting embahada na ipaalam ang bilang ng namamatay sa bawat bansa. Gayunpaman, ako ay labis na humahanga sa pamunuan ni Ambassador Adnan Alonto katuwang ang masigasig na Consul General, Labor Attache at Welfare Officers sa kanilang halos buwis buhay na serbisyo.

Katunayan ay nagsara ang Philippine Overseas Labor Office sa Riyadh at pati ang Consulate ­General Office sa Jeddah dahil sa ilang tauhan nito na nagpositibo sa ­COVID-19 virus.

187

Related posts

Leave a Comment