Mali man na paglabanin ang Quezon City at ang lungsod ng Cebu sa dami ng naitalang kaso ng COVID-19, hindi maiiwasan na pag-usapan bakit sila ang mga tinaguriang epicenter ng patuloy pa ring pandemya.
Sa ngayon, tila napabuntong hininga si Mayor Joy Belmonte dahil hindi na ang Quezon City ang may mataas na insidente ng kumpirmadong COVID-19 cases matapos silang maungusan ng Cebu City sa dami ng mga biktima.
As of June 20, umaabot sa 2,911 ang nakumpirma ng DOH na nagpositibo sa QC. Mayroon silang 217 deaths at 1537 recoveries.
Sa Cebu City naman at sa iba pang lugar sa buong lalawigan, naitala ang may 4,499 na COVID-19 cases. Sa nabanggit na bilang, 2,221 kaso ang nananatiling aktibo.
Nito lamang Lunes ay nagtala ang Cebu City ng 930 na mga bagong kaso, isang linggo matapos na magdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sila sa enhance community quarantine o ECQ.
Naging daan ito para papuntahin na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang kilalang trouble shooter sa katauhan ni DENR Secretary Roy Cimatu.
Ayaw nating sabihin na pabaya ang mga lokal na opisyal ng dalawang malaki at mayamang lungsod sa bansa.
Kitang-kita naman kung gaano kasipag si Mayor Belmonte sa paglaban sa pandemya.
Sa sobrang sipag niya, nakagawa pa siya ng music video para ipakita ang epektibo raw niyang pagtugon sa mga kaso ng COVID-19 sa QC.
Sa panig naman ni Cebu City Mayor Edgar Labella, masipag din naman siya pero nakatulog yata sa pansitan at ini-apela pa kay Pangulong Duterte na bawiin ang desisyong ibalik ang Cebu sa ECQ.
Isang linggo pagkatapos ng kaniyang apela na sinopla naman ng IATF, bumulusok pataas ang COVID-19 cases sa Cebu City.
Teka, isama na rin pala natin si Governor Gwen Garcia na mas gusto yata ang face app kaysa sa magsuot ng face mask.
Kaya hindi na napigilan ng Pangulo ang kaniyang pagka-dismaya sa mga Cebuano at sinabihan niya ang mga ito na ang titigas ng ulo.
Hindi matatapos ang problemang dulot ng COVID-19 kung hindi magtutulong-tulong ang gobyerno at publiko sa paglaban at pagsugpo dito.
Pero ang malaking bahagi ng pagtugon ay ang nasa gobyerno. Tandaan natin, susunod lang naman ang mamamayan sa kung ano ang sabihin ninyo. At kung may lalabag sa inyong patakaran, meron kayong kapangyarihan para manghuli at magsampa ng kaso.
At kung ang tatanungin ay ang taumbayan, gustong-gusto na namin matapos ang pandemyang ito. Baka hindi ito ang gusto ng mga nasa gobyerno?
Kaya kapit lang tayo!!!
