PDU30 GALIT DAHIL WALANG UPUAN SA NAIA

KUNG hindi pa na-PUNA ni Pangulong Rodrigo Roa Duteterte na sa sahig lang naka-upo ang mga kawawang stranded na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay hindi madadagdagan ang mga u puan sa paliparan.

Naawa ang pangulo sa kalagayan ng mga stranded sa NAIA kaya hindi niya natiis na PUNAhin kung bakit sa sahig lang nakaupo ang mga ito.

Kinukulangan nga ba ng mga upuan sa NAIA o talagang ayaw lang nila paupuin ang mga stranded?

Sa pananalita ni Pangulong Duterte ay ipinakikita niya ang kanyang pagiging ama sa mahigit isang daang milyong Pilipino. Sana ganun din ang ipakita ng mga opisyal ng gobyerno na may malasakit sila sa taumbayan.

Mahirap ang kalagayan ng ating mga kababayan na na-stranded sa NAIA at sa iba pang lugar na nagnanais na makauwi sa kani-kanilang mga lalawigan.

Marami sa kanila ay umalis na sa kani-kanilang mga tinitirahan at hindi na sila pwedeng makabalik dahil nagpaalam na sila at wala na rin silang mga perang pang-upa.

Kaya karamihan sa kanila ay nagbabakasakali na may masasakyan silang eroplano na papunta sa kani-kanilang mga probinsiya.

Mas mabuti siguro na ‘wag na natin antayin na PUNAhin pa ni Pangulong Duterte ang maraming kababayan natin na magiipon-ipon sa inyong opisina para lang humingi ng tulong.

Hindi maaaring hindi niya banggitin o PUNAhin ang kanyang makikita.

Masipag ang ating Presidente dapat ipakita rin ng mga nasa gobyerno na maging masipag sila.

Sa pag-PUNA ng Pangulong Duterte sa mga stranded sa NAIA ay lalong maraming humanga sa kanya na isa nga siyang Pambansang Tatay.

Nakita naman natin na kahit ang kanyang pinagmulan na lugar sa Cebu ay pinagalitan niya dahil sa katigasan ng ulo kaya patuloy ang pagdami ng kaso ng COVID-19.

Ayaw ng Pangulo na matalo ang mga Pilipino ng COVID-19, hanggat maaari habang wala pang bakuna ay mag-ingat tayo na hindi tayo mahawaan.

Kung wala rin lang tayong mahalagang gagawin sa labas ay iwasan na nating lumabas para sa kapakanan natin lahat at sa ating mga kamag-anak.

Hindi po natin ginusto na magkaroon ng COVID-19 sa bansa kaya lang wala tayong magagawa kundi mag-ingat at umiwas na hindi tayo mahawaan.

Kung lalabas naman tayo ay sundin natin ang lahat health protocols, mag-suot ng face mask at gawin ang lahat para sa ating kaligtasan.

Nakita naman natin na maging ang hindi magandang paghawak ng J&T Express sa mga padala ay hindi pinalagpas ni Pangulong Duterte.

Marami na rin kasi ang nakarating na reklamo kay Pangulong Duterte laban sa J&T Express kaya sinabi niya na dapat alamin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) ang pangyayari sa kumpanya.

Kung ihagis kasi ng mga empleyado ng kumpanya ang mga padala ay ganun-ganun na lang na tila mga wala silang pakialam na masira ang mga laman nito.

Nag-viral ang video ng mga empleyado ng J&T Express na inihahagis nila ang mga padala sa loob ng kanilang delivery van.

Ngayon sakit ng ulo ni Mr. Zoe Chi, Presidente ng J&T Express na baka maipasara pa ang kanilang kumpanya kapag nagkataon.

Dapat maparusahan din ang mga empleyado ng kumpanya na bumaboy sa mga padala ng kanilang mga kustomer.

Ang mga ganitong empleyado ay walang malasakit sa kumpanyang kanilang pinaglilingkuran.

Marami sa mga kumpanya ngayon ang nagsara dahil sa COVID-19 kaya dapat ayusin natin ang ating mga trabaho habang tayo ay namamasukan.

Sa panahon ngayon maraming nagugutom kung sasabay pa kayo sa kalokohan ay wala kayong pagmamahal sa inyong mga pamilya.

Tapos kapag nagutom kayo dahil wala na kayong makain ang sisihin nyo si Pangulong Duterte.

Pero kapabayaan nyo naman dahil hindi nyo inayos ang inyong mga trabaho kaya kayo naalis.

Ipakita po natin ang ating malasakit sa ating mga pinapasukang kumpanya at maging sa mga opisina ng gobyerno. Masarap namnamin ang sweldo na natatanggap na nagmula sa pinagpaguran at pinagmalasakitan natin ang ating pinapasukan maging pribado man o pampublikong opisina. Kung tayo man ay pinagalitan ng ating tatay dahil sa ating pagkakamali ay tanggapin natin at ‘wag tayong magalit sa halip ay ayusin ang ating mali para sa susunod ay hindi na tayo mapagalitan.

Lord patawarin mo po kami at nawa’y mawala na ang COVID-19, amen.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

193

Related posts

Leave a Comment