DOH SINISI SA PAGSIRIT NG COVID-19 CASES

WALANG ibang sinisisi si Senador Panfilo “Ping” Lacson kundi ang Department of Health (DOH) kung bakit sumirit sa libu-libo ang nagiging positibo sa corona virus 2019 (COVID-19) dahil may malaking pagkukulang sa pagtugon laban sa sakit.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na kung noong Marso, umaabot lamang sa 200 biktima kada araw ang naitatala dahil kakaunti ang PCR testing facility, di tulad ngayon na hamak na marami na sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa.

“The mere fact na tumataas ang kaso ng nagpa-positive, mukhang may pagkukulang nang malaki ang DOH.

Unang- una na ligaw tayo sa kanilang pinapalabas na datos. Kasi parang ang na-project noon napaka-efficient kasi parang nag-a-average tayo noong March na 200 a day,” giit ni Lacson.

“So alam natin hindi totoo yan kasi tine-test nila napakakaunti so predictable ang lalabas na positive kasi kapag nag- test ka nang kaunti, kaunti lang ang magpa-positive. E ngayon nang dumami na ang PCR, ang pang-test, nakita natin pumapalo tayo libo isang araw,” dagdag ng mambabatas.

Sinabi ni Lacson na dapat accurate ang data ng DOH at sundin ang protocol, hindi lamang sa pangangalap ng data, kundi maging sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

“Pero dahil may IATF at ako naman sang-ayon ako sa ginagawa nina Gen Galvez, at ating kasamahan sina Gen Ano, Gen Lorenzana, Gen Bautista, na nasa Cabinet at member ng IATF, lahat ginagawa nila para sa quarantine kaya maraming naaresto sa kabila ng batikos na nagpoprotesta inaaresto at pilit ikokonekta sa ATL. Pero gawain ng pulis yan dahil kung hindi, lalong lalala nang lalala,” paliwanag ng mambabatas.

Sa ngayon, hinikayat din ni Lacson ang lahat na huwag nang labas nang labas kundi naman importante ang gagawin.

“Ngayon nga medyo masama ang tayo kaya kailangan makibagay ang ating kababayan na huwag mag-insist na di naman importante na lakad ay bakit lalakad pa, sasakay ng pampublikong sasakyan, lolobo ang kaso, nasa 52,000 na tayo,” aniya.

Ayon kay Lacson na hindi dapat isisisi sa pagpapairal ng general community quarante (GCQ) sa halip na enhanced community quarantine (ECQ) sa paglobo ng bilang ng nagpositibo dahil dumami ang testing facilities.

May pagkakataon pa umano na umaabot sa 14 na araw bago lumabas ang resulta, giit ni Lacson.

Dahil dito, hiniling ni Lacson sa DOH at IATF na maging accurate ang data na isinasapubliko at mahigpit na ipatupad ang contact tracing upang tuluyang masugpo ang pagkalat ng virus. (ESTONG REYES)

223

Related posts

Leave a Comment