(NI BERNARD TAGUINOD)
NANGUNA si dating House Speaker Pantaleon Alvarez sa mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa top-10 solon na pinakamagastos noong 2017 base sa published report ng Commission on Audit (COA).
Habang isinusulat ito ay hindi pa nagsasalita ang mga mambabatas lalo na si Alvarez na nakaubos ng P43.7 million mula Enero hanggang Disyembre 2017 at top-House spender sa Kapulungan.
Sa nasabing halaga, P30.4 million dito ay ginamit ni Alvarez sa “contractual consultants” habang ang natitirang P13.3 million ay ginamit sa basic salaries ng kaniyang mga staff, foreign travels, chairmanship allocation, district/field staff allocations, representation, consultative local travels, communication, supples, public affair funds, central office staff, equipment and furniture/fixture at iba pang MOOE o maintenance and other operating expenses.
Pumangalawa kay Alvarez si PBA party-list Rep. Jericho Nograles na nakagastos ng P23.4 million sa loob ng isang taon noong 2017 na sinundan ni Kalinga Rep. Allen Jesse Mangaoang na umaabot sa P22.2 million ang ginastos.
Ikaapat sa listahan ng pinakamagastos sa Kamara noong 2017 si dating DIWA party-list Rep. Emmeline Aglipay-Villar na umaabot sa P20.4 million ang ginastos ng kanyang tanggapan bago itinalaga bilang undersecretary ng Department of Justice (DoJ).
Sumunod bilang pang-lima si North Cotabato Rep. Nancy Catamco na nakagastos ng P20.06 million habang ika-6 naman si Pangasinan Rep. Leopoldo Bataoil na gumastos ng P19.67 million.
Sumunod si Southern Leyte Rep. Roger Mercado na nakagastos P19.67 million habang si North Cotabato Rep. Jesus Sacdalan ay umaabot sa P19.12 million ang nagastos ng kanyang tanggapan.
Ika- 9 naman sa listahan si Cagayan Rep. Randolph Ting na umaabot sa P19.09 million ang nagastos ng kanyang tanggapan na sinundan ni Misamis Orientel Rep. Peter Unabia sa P19.04 million na gastos.
159