UMABOT sa 349 pasaway ang dinampot dahil sa paglabag sa mga ordinansa, habang isa namatay, at lima ang gumaling sa COVID-19, samantalang 22 ang nadagdag na bagong kaso ng nasabing sakit sa lungsod ng Navotas kahapon, unang araw ng 14-araw na ipinatutupad na citywide lockdown.
Nabatid kay Mayor Toby Tiangco, ang mga sinuway na mga ordinansa ay ukol sa pagsusuot ng face mask na natatakpan ang ilong at bibig, pagsunod sa 1-2 metrong physical distancing o hindi pagkukumpulan, 24-oras na curfew ng mga batang wala pang 18-anyos, at iba pang mga patakaran ng community quarantine.
“Mayroon tayong mga kapwa Navoteño na hindi pabor sa mga limitasyong kaakibat nito.
Naiintindihan natin na mahirap ito ngunit hinihingi natin ang pakikiisa ng lahat. Kailangan natin itong gawin upang mapigil ang patuloy at mabilis na pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa ating lungsod,” ani Tiangco.
Binigyang-diin ng punong-lungsod na ang mga batas at patakaran ay ipinatutupad para rin para sa kabutihan ng mamamayan dahil nagmamalasakit ang pamahalaan.
“Ayaw nating magkasakit kayo o ang inyong mga mahal sa buhay. Gusto nating bumaba nang husto ang bilang ng mga nagpopositibo para unti-unti nang maging maayos at maluwag ang ating pamumuhay,” ani Tiangco.
Marso 28 nang unang may naitalang kaso ng COVID-19 sa lungsod at 8:30 ng gabi noong Hulyo 16, umabot na sa 1,119 ang nagpositibo sa nasabing nakamamatay na sakit sa siyudad, 661 ang nanatiling active cases, 386 na ang gumaling habang 72 na ang binawian ng buhay.
Dagdag ni Tiangco, sa ulat ng City Health Office, ang hawaan ng virus ay madalas na nangyayari sa pagitan ng mga magkakamag-anak o magkaka-opisina, at ang masaklap, ang ibang nagkaroon ng contact o nakasalamuha ng maysakit ay patuloy na sumusuway sa health protocols at lumalabas ng bahay.
“Hindi nila alintana ang kapahamakan na idudulot ng kanilang pagsasawalang-bahala. Ang pakikipaglaban sa pandemya ay nakaatang sa balikat nating lahat. Hindi po namin kakayanin ang laban na ito nang wala ang tulong ninyo. Muli po akong nakikiusap na sundin ninyo ang mga patakaran ngayong lockdown upang masiguro na magiging makabuluhan ang ating pagsasakripisyo,” pagtatapos ni Tiangco. (ALAIN AJERO)
