“LAST option na ang Martial Law”.
Ito ang pahayag ni Senador Christopher Bong Go kaugnay sa mga nagsusulong ng batas militar sa Sulu matapos ang magkasunod na pagsabog sa bayan ng Jolo na ikinamatay ng ilang sundalo, pulis at sibilyan habang marami rin ang nasugatang inosente.
Sinabi ni Go na kung kaya naman ng Anti-Terror Law na sugpuin o makatulong sa pagsugpo ng terorismo sa lugar ay hindi na kailangan ang Martial law.
Nilinaw naman ng senador na kung kinakailangan talaga ng batas militar ay susuportahan niya ito bilang kasama ang Senado sa mag-aapruba nito.
Kinumpirma naman ni Go na balak ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumisita sa Jolo para makiramay sa pamilya ng mga namatay sa pag-atake para maitaas din ang morale ng mga ito gayundin ang mga nasugatan.
Dagdag ni Go, tuloy-tuloy ang giyera laban sa mga terorista sa Sulu kaya kailangang maipakita sa mga tropa ng pamahalaan na mayroon silang gobyerno na sumusuporta sa kanila. (NOEL ABUEL)
137
